90 pamilya nasunugan sa QC

Nasa 90 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos masunog ang isang residential area at talipapa sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay SFO3 Rolando Valeña ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Quezon City, nagsimula ang sunog sa isang residential area sa Kaunlaran Street na gawa sa mga materyal na madaling masunog kaya mabilis na kuma­lat ang apoy at nada­may ang Datu Tahil Talipapa.

Pasado alas-5:57 ng hapon nang sumiklab ang sunog mula sa isang bahay na nasa kalagitnaan ng residential area at mabilis na kumalat ang apoy sa katabing talipapa na katapat din ng Litex Market.

Bandang alas-6:31 ng gabi nang ideklarang under control na ang sunog kung saan labis na naabo ang mga kabahayan sa lugar.

Hindi pa mabatid kung ano ang pinagmulan ng sunog pero ayon kay SFO3 Valeña, batay umano sa kuwento ng ilang nakakita sa sunog, may illegal connection ng kable ng mga kuryen­te sa naturang lugar.

Kuwento ng tinderang si Irene Bendicio, nagtitinda siya ng asin nang biglang lumiyab ang gilid ng talipapa at nagtakbuhan na ang mga tao.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago nakontrol ng mga rumes­pondeng bumbero.

Patuloy pa ang pag-iimbestiga ng mga tauhan ng BFP sa nangya­ring sunog.
Wala namang iniulat na nasugatan sa sunog. (Dolly Cabreza)