Nilusob ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang isang gusali sa Pasig City kahapon at naaresto ang may 104 katao na iligal na nagpapatakbo ng online gambling.

Dala ang search warrant, nagtungo ang team ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Special Operations Unit, Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at Special Weapons and Tactics sa ikalawang palapag ng isang gusali sa Julia Vargas Avenue, Pasig City dakong ala-una nang hapon.

Sa mga nahuli, 93 ang Chinese habang 11 Pilipino naman ang nakasama.

Sinabi ni NCRPO chief Director GuilĀ­lermo Eleazar, na walang lisensya galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para mag-opeĀ­rate ang nasabing pasugalan.

Ayon naman sa manager ng FinAsia Tech Incorporated, na umupa sa nasabing gusali, pinaupahan lang nila ang palapag at wala silang alam na mayroong pasugalan sa loob nito.

Dinala sa Camp bagong Diwa sa Taguig ang mga nahuli at sasampahan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, habang kinumpiska ang mga kagamitan sa opisina tulad ng computer, cellphone at iba pang gadget.

Inaalam na ng NCRPO kung may working permit ang mga naarestong Chinese.