97 LGUs hindi sumunod sa road clearing – DILG

97 LGUs hindi sumunod sa road clearing - DILG

Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na matagumpay ang nationwide road clearing ng mga local government unit (LGU) subalit may 97 sa 1,245 sa mga ito ang nabigo at padadalhan ng show cause orders at sususpendihin.

“I want to express my happiness for the commitment and active participation by LGUs across the country towards this campaign. Sa kabila ng mga balakid at pagsubok na kanilang dinaanan, masasabi ko pong malaking bahagdan o porsiyento ng mga pamahalaang lokal sa bansa ang nakiisa sa ating layunin. Salamat po sa inyo,” ani DILG Secretary Eduardo Año sa press conference nitong Biyernes ng umaga.

Sinabi ni Año, bagama’t naging matagumpay ang road clearing, magiging istrikto pa rin silang babantayan ang mga LGU na panatilihin ang kanilang mga nasasakupan na malinis at walang sagabal sa daan.

Batay sa rekord, sa 97 LGUs na bagsak sa clearing ops at kakastiguhin ng ahensiya: 11 dito ay mula sa Region I; tig-iisa sa Region II at III; pito mula sa MIMAROPA; sampu sa Region V; isa sa Region VI; 12 sa Region VII; 9 sa Region VIII; 18 sa Region IX; 13 sa Region X; 3 sa Region XI at XII, at tig-apat mula sa Region XIII at CAR.

Ayon sa kalihim, ang 97 non-compliant LGUs ay bibigyan ng limang araw matapos na matanggap ang show cause orders upang magpaliwanag kung bakit hindi nakasunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa clearing ops.

At kapag hindi katanggap-tanggap ang kanilang paliwanag, saka nila isusumite ang mg pangalan ng mga ito sa Pangulo at kakasuhan sa Office of the Ombudsman.

Samantala, nakakuha ng “high compliance rating” ang Maynila, Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Navotas, Parañaque, Pasay, Valenzuela, Pateros at San Juan habang ang mga lungsod ng Muntinlupa, Pasig at Quezon City ay binigyan lamang ng gradong “medium compliance”, at ang Taguig City ang natatanging nakakuha ng “low compliance rating”. (Dolly B. Cabreza)