AAGAWIN KO ANG BELT — PACQUIAO

LAS VEGAS — Tatangkain ni Manny Pacquiao (58-6-2, 38 KOs) na bawiin ang WBO welterweight title sa ikatlong pagkakataon.

Sasagupain ni Pacquiao, 38 na sa susunod na buwan, ang mas bata ng halos 10 taon sa kanyang si WBO champ Jessie Vargas na lamang din sa height, reach at weight.

Sa weigh-in sa Encore Theater sa loob ng Wynn Hotel kahapon, tumuntong sa timbangan si Pacquiao sa 144.8 pounds. Tumimbang si Vargas (27-1, 10 KOs) sa 146.5.

“I know I am the challenger going in and I have to fight that way,” pahayag ni Pacquiao. “It is not enough to do well, I have to take the title away from him.”

Unang dumating si Pacquiao, hinubad ang kanyang black and gold track suit at tumapak sa scale tanging grey boxer shorts at trademark white tube socks ang suot.

“I want to make history. It would mean a lot for me to win this fight,” giit niya.

Sa isa pang laban sa Thomas & Mack Center, itataya ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire ang kanyang WBO superbantamweight belt laban kay Jessie Magdaleno.

Mula sa Malakanyang, naglabas ng mensahe ang tanggapan ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar na nagbibigay ng suporta sa dalawang Filipino ­boxers.

“We wish our boxers good luck. The whole nation is behind the two boxers cheering for the pride of the Philippines and praying for the win.”