Aanhin pa ang damo?

Bago pa sumulpot ang coronavirus, karaniwan na sa mga poker players ang magsuot ng face mask habang naglalaro.

Isang paraan kasi ito para hindi madaling ­mabasa ng mga kalaban ang kanilang reaksiyon.

Pero ang pangunahing rason pa rin ng mga player sa pagsusuot ng face mask ay ang kanilang kalusugan.

Crowded kasi ang mga poker rooms lalo na kung may torneong ginaganap kaya malaki ang posibilidad na makasagap ka ng mikrobyo.

Sa kasalukuyan ay may ginaganap na mala­king poker tournament sa ating bansa – ang Okada Manila Millions.

Habang isinusulat natin ito ay tuloy pa rin ang aksiyon sa nasabing torneo na nakatakdang magtapos ngayong araw.

Alam dapat ng mga poker organizer na mataas ang tsansa na kumalat ang coronavirus sa mga poker tournament dahil bukod sa marami ang sumasali ay galing pa ang mga ito sa iba’t ibang panig ng mundo.

Para sa mga poker operator, may mensahe para sa inyo ang two-time World Series of Poker (WSOP) Player of the Year na si Daniel Negreanu.

“All poker operators: stop. Suspend all tournaments and cash games now. There isn’t a more ­infectious environment imaginable than a poker table,” pahayag ni Negreanu sa kanyang Twitter post.

Palipat-lipat ng kamay ang mga chip sa poker table at sa mga tournament ay palipat-lipat ng upuan ang players kapag binabalanse ang lamesa kaya may solidong basehan ang sinabing ito ni Negreanu.

Alam natin na maraming poker professionals na kumukuha ng kanilang ikabubuhay sa poker.

Marami ring manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho tulad ng mga card dealers.

Pero hindi sapat magkano man ang kikitain nila para ilagay sa panganib ang kanilang kalusugan pati na rin ang kalusugan ng kanilang pamilya.