Excited na ang bayang karerista sa MetroTurf Christmas Super Weekend ngayong Disyembre 17 at 18.

Higit sa P3-million ang ipamimigay sa 3rd Pasay – The Travel City Cup na may dalawang malalaking pakarera – ang 3rd Pasay – The Travel City Cup at 3rd Pasay City Mayor Tony Calixto Cup na parehong may total prizes na P700,000 bawat isa. Ang magkakampeon dito’y mag-uuwi ng tig-P420,000.

Meron ding 11 Trophy Races na paglalabanan na P150,000 ang guaranteed prize ng mananalo kaya ngayon pa lang ay planado na ang pagpunta ng mga racing fans sa Malvar, Batangas ngayong weekend.

Isa pang dahilan ay sangkatutak na premyong makakamit sa kada-karerang raffle na gaganapin at maraming appliances at Christmas grocery bags ang ipamimigay. Sa dalawang malaking pakarera, tig-isang malaking HD TV set ang ipapa-raffle.

Pangungunahan ni Mayor Tony Calixto ang selebrasyon ng ikatlong taon ng pakarera sa MetroTurf sa pakiki­pagtulungan kay Metro Manila Turf Club chairman at president Norbero Quisumbing Jr.

Isa pang pinakahihintay ay itong WTA carry-over na P1.8-million na ilalalagay sa nag-iisang WTA event ngayong Sabado. Sa Race 3-9 ilalagay ang WTA kaya maraming oras ang bayang kareris­ta para makahabol ng kursunada.

Magdiriwang ang Karera Station Association of the Philippines, Inc.(KASAPI) ng kanilang Christmas Party at raffle promo ng ‘P20 Mo Manalo ng Motorsiklo!’ na 12 motorsiklo ang mapapanalunan.

Tiyak na aapaw ang mga karerista sa Met­roTurf Racing Complex niyan kaya tandaan lang na agahan ang punta doon dahil alas-dos ng hapon ang simula ng mga karera.