IPINOST uli ni Pauleen Luna sa Instagram ang poster ng Enteng Kabisote 10 and The Abangers, na ang nasa caption nito, “Maagang pamaskong handog para sa mga bata! Enteng Kabisote 10 and The Abangers, showing on November 30! Kita kits, dabarkads!”

Sa pagtatanong namin, matagal bago napagdesisyunan ng mga producers na gawin nang November 30 ang showing nito.

Ilang araw lang ang promo, kaya malamang na bubuhusan ito ng exposure ng Eat Bulaga para ma-promote nang husto.

Nasilip namin ang trailer nito at nakakatawa naman.

Pambata talaga at bagay na bagay sana sa MMFF na sinisimulan kung Pasko.

Mas nakakatawa ang trailer nito kung ikum­para sa Super Parental Guardians nina Vice Ganda at Coco Martin, na magso-showing din sa Nobyembre 30.

Tuloy ang salpukan ng ABANGERS at GUARDIANS!

Ang lamang ng kina Vice, all-out ang suporta ng ABS-CBN para sa promo nito, lalo na sa It’s Showtime.

Sana, ganu’ndin ang ibigay ng suporta ng GMA 7 sa Enteng.

Sinubukan namin magpa-survey sa programa naming Showbiz Talk Ganern sa DZRH, kung saan hiningan namin ng reaksyon ang listeners namin kung alin sa mga pelikulang naligwak ng MMFF 2016 ang interesado silang panoorin ito.

Pinakamaraming nag-text sa amin ang gustong mapanood ang Enteng Kabisote ni Bossing Vic, kung saan may special participation ang AlDub.

Mangilan-ngilan lang ang nag-text na unahin nila ang Super Parental Guardians ni Vice.

Mainit ang pukpukan sa takilya ng dalawang higanteng pelikulang ito.

Pagkatapos ng Super Parental at Enteng na mas maagang ipalabas, susunod daw ang Mang Kepweng Returns ni Vhong Navarro na may tentative schedule na December 7, at sa December 14 naman ang Mano Po 7: Chinoy.