10 Year Challenge ba kamo? Well, hindi kami magpapahuli d’yan! Lalo’t ngayo’y nagdiriwang ang paborito mong Abante TONITE ng hindi lang 10, kundi times 3 pa – 30 years!
Kay sarap lang lumingon sa pinanggalingan at tingnan kung ano nang mga pagbabago ang naganap sa mukha ng ating diyaryo.
Masdan ang unang isyu ng Tonite noong Enero 30, 1989. Nandyan ang kahindik-hindik na krimen na naganap noong araw na iyon. Tapos, may babaeng tiyak na pumukaw sa imahinasyon ng mga lahi ni Adan na si Olga Miranda (saan na kaya siya ngayon?). May kalakip pang mga istoryang nakaka-L, “Ayaw sa malaki” at “Idols na masarap i-pene.” Sa presyong baryang-barya: P1.50!
Tatlong dekada ang lumipas, anong nagbago? Ikumpara natin sa isyu nitong buwan ng Enero 2019. Una, presyo – P10.00. Ikalawa, mas naging makulay, mas buhay na buhay ang swabeng pose ni Ivana na kulang na lang ay hilahin ka at dalhin sa lugar na iyong pinapantasya. Ikatlo, mas siksik sa mga balita. Sa aking bilang, 13, kung nakulangan ka pa, buklatin mo pa sa loob.
Hindi mo aakalaing ang hitsura ng TONITE noon ay ito na ngayon. Ngunit ito ay bahagi lamang ng aming paglago at pagpapaganda upang mas lalo niyo kaming tangkilikin.
Tinitiyak naming patok sa panlasa ninyo ang inyong mababasa. May tamis, gaya ng tagumpay ng paborito mong basketbol team, at pagtama mo sa lotto. May anghang, gaya ng pagtirik ng MRT na nakakausok ng ilong dahil sa perwisyong
idinudulot kahit binuhusan na ng sandamakmak na pondo para sa rehabilitasyon.
May pait, gaya ng kaawa-awang sinapit ng mga naging biktima ng krimen tulad ng murder, rape, hostage, nakawan, aksidente atbp. May asim, gaya ng nakakapangiwing gimik ng mga celebrity para lang sila mapag-usapan. Kumpletos rekados, wala ka nang hahanapin pa.
Sa mga susunod pang taon, asahan niyong nandito pa rin kami at patuloy sa mga pagbabago. Anumang challenge ang dumating, handa kami. Dahil proud kami sa aming narating, na lahat ay para sa inyo, mga ka-Abante TONITE! Maligayang ikatatlumpung taon sa ating lahat!