Abaya pagpapaliwanagin sa P3.8B depektibong tren

mrt-line3

Inimbitahan ng Senado si dating Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya upang magpaliwanag sa P3.8 ­bilyong halaga ng mga bagong bagon ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) na hindi ­naman mapakinabangan dahil sa depekto.

Ayon kay Sen. Grace Poe, chair ng Senate committee on public services,­ si Abaya ay inimbitahan na dumalo sa hearing ngayong Lunes ng umaga upang magpaliwanag sa biniling bagon mula sa China, gayundin sa pinasok na P3.8 bilyong kontrata sa maintenance provider ng MRT-3.

“Si Secretary Abaya… siyempre kailangan kong ipatawag, pasensiya na kung retired kayo ngayon at nagpapahinga kayo pero iyong ginawang perwisyo sa ating mga kababayan ay you don’t deserve to have a rest dahil kaila­ngan ninyong iesplika kung anong nangyari diyan,” diin ni Poe.

Matatandaan na dumating na ang lahat ng 48 bagon na binili ng Department of Transportation (DOTr) sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Company ng China subalit hindi naman ito mapakinabangan dahil sa nakitang depekto.

Ang makina ng tren ay inorder sa bansang Germany habang ang signaling system ay nanggaling naman sa South Korea.

Kinukuwestiyon ni Poe kung bakit sa Dalian bumili ang DOTr noong panahon ni Abaya gayung wala naman itong karanasan sa paggawa ng light rail ­vehicle (LRV).

Tatanungin din ng senadora ang da­ting kalihim kung bakit nakipagtran­saksyon ito sa Busan Universal Rail Inc. (BURI) para sa pagmantine ng 73 bagon ng MRT at overhaul ng mga makina ­nito, gayong wala rin palang karanasan ang nasabing kumpanya sa pagmamantine ng tren.