Abby Binay inendorso ng INC

Kabilang si Makati City Mayor Abigail ‘Abby’ Binay at ang kanyang mga kasama sa Team Performance sa mga kandidatong inendorso ng Iglesia Ni Cristo (INC) para iboto ng mga tao sa Mayo 13.

Dahil dito pinasalamatan ni Mayor Abby ang INC sa pag-endorso sa kanya at mga kasama na sina Vice Mayor Monique Lagdameo, Congressman Luis Campos at ang ama ni Mayor Abby na si da­ting Vice President Jejomar Binay, na tumatakbong kongresista sa Unang Distrito ng Makati.

Kasama rin sa inendorso ng INC ang anim na kandidato ni Mayor Abby sa pagka-konsehal sa bawat distrito ng nasabing lungsod.

“Maraming-maraming salamat po sa Iglesia Ni Cristo sa pamumuno ni Kapatid na Eduardo Manalo sa inyong patuloy na suporta at pakikipagtulungan sa amin upang maisakatuparan ang magagandang plano para sa Makati at sa lahat ng mamamayan dito,” pahayag ni Mayor Abby.

“Ikinagagalak po namin sa Team Performance na kaisa namin kayo sa mithiing maitaguyod ang masagana, maginhawa at mapayapang pamumuhay para sa lahat ng Makatizen. Makakaasa kayong lalo pa naming pagtitibayin ang matagal nang samahan ng INC at ng pamahalaang lungsod ng Makati,” pagtitiyak ng alkalde.
Samantala, nagpasa­lamat din si dating VP Binay sa pag-endorso ng INC sa kanyang kandidatura.

“Nagpapasalamat ako sa pamunuan ng INC sa muling pagsuporta sa a­king kandidatura. Makakaasa kayo at ang lahat ng mga kaanib ng Iglesia dito sa Makati na isusulong ko ang kapakanan at karapatan ng lahat ng mamamayan sa Kongreso, at pauunlarin pa ang mga programa sa edukasyon, kalusugan at kabuhayan,” pahayag ng dating vice president.

Kabilang sa mga inendorso ng INC ang mga sumusunod na kandidato ng Team Performance sa pagka-konsehal sa District 1: Martin Arenas, VirJhong Hilario, Jojo Javier, Armand Padilla, Joey Villena, at Alcine Ichi Yabut.

Para sa pagka-konsehal sa District 2, inenondorso ng INC sina Dennis Almario, Doris Arayon, Bong Ariones, Bodik Baniqued, Sammy Cruz, at Ina Sarosa ng Team Performance. (Armida Rico)