Sinibak ng Supreme Court (SC) ang isang abogada na gumawa ng pekeng draft resolution ng Court of Appeals (CA) para sa kanyang kliyente na pinangakuang maaabsuwelto sa kaso nito kapalit ng malaking halaga.
Ayon sa SC, napatunayang guilty dahil sa paglabag sa Lawyer’s Oath at Code of Professional Responsibility and Grace Misconduct si Atty. Marie Frances Ramon.
Maliban dito, sinabi ng SC na hindi pa absuwelto si Ramon sa mga kasong sibil o kriminal na maaaring isampa laban sa kanya.
“Atty. Ramon has tarnish(ed) the image of the legal profession and has lessened the public faith in the Judiciary. Hence, the ultimate penalty of disbarment must be imposed upon her,” pahayag ng SC kahapon.
Nag-ugat ang kasong administratibo laban kay Ramon mula sa joint complaint-affidavit for disbarment na isinampa nina CA Associate Justices Fernanda Lampas-Peralta, chairperson ng Sixth Division; Stephen C. Cruz, senior member ng Fifth Division; at Ramon Paul L. Hernando, na junior member pa noon ng Fifth Division at kasalukuyan nang SC associate justice.
Nagpakilala umano si Ramon na isang abogado na kayang impluwensyahan ang mga mahistrado ng CA para maabsuwelto ang isang akusado at niloko ang mga kaanak nito para makakolekta ng malaking halaga.
Lumalabas sa pag-iimbestiga ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at sa rekomendasyon ng IBP Board of Governors na in-adopt ng SC, na niloko ni Ramon ang isang Maria Rossan De Jesus para magbigay sa kanya ng malaking halaga kapalit ng acquittal ng pinsan nitong si Tirso Fajardo.
Gumawa umano si Ramon ng draft decision para palabasin na absuwelto si Fajardo at inilagay ang pangalan ng mga nagreklamong mahistrado sa pekeng desisyon kahit naka-assign ang kaso sa ibang division.