Abogado hinuli sa Quezon ECQ

Inaresto ng mga pulis ang isang abogado na nagpakilalang miyembro media dahil sa umano’y paglabag nito sa enhance community quarantine sa Candelaria, Quezon noong Huwebes ng tanghali.

Batay sa report ng Candelaria Police, inaresto si Russel Miraflor, 45-anyos, habang ito ay pagala-gala malapit sa barangay hall sa Brgy. Malabanban Norte.

Pero ayon kay Miraflor, kumukuha lamang siya ng video sa ginagawang cash distribution nang arestuhin siya ng mga pulis na namamahala sa pamamahagi.

Hinanapan ng mga pulis ng media ID si Mirasol at ng wala itong maipakita kaya dinala sa presinto.

Ayon naman kay Mirasol na bukod sa pagiging pibadong abogado ay nagpo-programa rin ito sa isang local FM radio station, kilala naman anya siyang miyembro ng mass media sa nasabing bayan at pinag-initan diumano para mailayo sa lugar.

Ayon pa dito, pinag-iinitan siya ng mga awtoridad dahil dinudokumento anya niya ang iregularidad sa pamamahagi ng social amelioration program sa barangay na kinasasangkutan diumano ng isang kagawad na siyang kumukuha ng mga cash assistance ng mga beneficiaries at saka kinukuha ang kalahati ng pera.

Sinampahan ng mga pulis si Mirasol ng kasong paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act pero pinalaya din matapos mamagitan ang mayor ng bayan ng Candelaria.

Pinag-aaralan din ni Mirasol ang pagsasampa ng kaso sa mga pulis na anya ay inaabuso ang ipinapatupad na ECQ. (Ronilo Dagos)