Nilinaw ng Malacañang na pinag-aaralan pa at hindi pa pinal ang planong pag-abolish sa National Irrigation Administration (NIA), National Food Authority (NFA) at National Electrification Administration (NEA).
Ang paglilinaw ay ginawa ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella matapos sabihin umano ni Cabinet Secretary Jun Evasco na ipinapanukala nito kay Pangulong Rodrigo Duterte ang abolisyon ng tatlong ahensya.
Sinabi ni Evasco na mula nang maupo ito bilang Cabinet Secretary ay nirebyu nito ang mga nasabing ahensya, lumilitaw umano sa NIA ay may mga isinagawang konstruksyon ng malalaking irrigation dams na aksaya lamang ng pondo dahil maaari naman kung maliliit na impounding facilities lamang na pagkukunan ng tubig ang itatayo.
Nais din nito na i-abolish na ang NFA o gawin na lamang regulatory body upang hindi na gumigitna pa sa market and business competition sa rice industry samantala ang NEA ay maaari na rin umanong tanggalin dahil tapos na ang mandato nito at naglilikha lamang ng problema sa may 129 electric cooperatives sa bansa.
Amindo si Evasco na ang kanyang plano ay kailangang pag-aralan pang mabuti dahil maraming empleyado ang matatanggal.