Abolisyon ng VAT hinarang ni Recto

Sa paniniwalang la­long malulugi ang gobyerno, hinarang ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang panukala ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa pagbuwag ng 12 percent Value Added Tax (VAT).

Ginawa ni Recto ang pahayag matapos isulong ni Alvarez ang abolition ng VAT para palitan ito ng goods and services tax (GST) na ipinapatupad na sa maraming bansa sa Asya at napatunayang epektibong paraan ng pagkolekta ng tamang buwis.

Ngunit ayon sa senador na siyang may-akda ng VAT law, parang bu­malik lang tayo sa dating sistema ng pagpapataw ng sales tax kung saan pahirapan ang pagkolekta ng buwis kung kaya’t lalong lumalaki ang tinatawag na ‘tax leakage’.

Bukod dito, sinabi ng senador na kaya umubra ang GST sa ibang bansa ay dahil wala namang sari-sari store doon kumpara sa Pilipinas na halos lahat ng kanto ay may sari-sari store.

“Napagdebatihan na natin nang husto iyan noong nakaraan. Siguro wala sila dito noong pinagdebatihan iyan. ‘Yung GST, or a consumption tax on a retail side, puwede iyan sa Amerika, sa Hong Kong, sa Singapore, walang sari-sari store doon. Dito may sari-sari store dito, hindi mo makokolekta sa sari-sari store iyan,” paliwanag ni Recto.

“Kung sa retailer mo ikolekta lahat iyan, hindi mo makokolekta iyan. Ganun na tayo noong araw eh. You already… a sales tax noong araw of 3 percent. Parang sinasabi bumalik na lang tayo doon,” dagdag pa niya.

Naniniwala pa si Recto na hindi uusad ang panukalang pagbuwag ng VAT dahil ang prayoridad ng administrasyon ay ang tax reform package kung saan ang coverage ng VAT ay palalawakin pa sa pag-alis ng ilang exemptions.