Bumagsak na rin sa kamay ng batas ang suspek sa road rage sa Quiapo, Maynila na walang pakundangang bumaril at nakapatay sa isang biker.
Dalawang anggulo ang lumulutang sumuko at itinuro ng isang informant ang salarin na isang reservist ng Philippine Army (PA).
Pero anuman ang dahilan ng pagkakabagsak sa bitag ng mga awtoridad ng suspek na si Vhon Tanto, ang mahalaga ay nasukol na ito at pananagutan na niya ang krimen na kanyang ginawa.
Napakatulin ng naging takbo ng kasong ito, halos wala pang isang linggo ay naaresto ang salarin at kasunod na nito ay ang pag-usad ng kaso laban sa suspek.
Ang sa amin, kung anong bilis sana ng pagkakasukol sa suspek ay ganundin ang mangyari sa pag-usad ng kaso.
Maging mabilis na sana sa pagkakataong ito ang isasagawang pagdinig sa kaso upang makamit ang ganap na hustisya ng biktimang biker na si Mark Vincent Geralde.
Sayang kasi ang pagsisikap na maaresto o mapasuko agad ang salarin kung kasunod naman ng pagbagsak sa mga kamay ng awtoridad ng salarin ay ang usad-pagong namang paggulong ng kaso.
Sa ganang amin, bumilis na rin sana ang proseso ng ating hustisya. Kung hindi kakayaning sabayan ang bilis ng paghuli o pagbagsak sa kamay ng batas ng suspek ay mangyari naman sana sa mas maiksing panahon ang paggawad ng parusa sa salarin.
Sa ganitong paraan ay magkakaroon na ng takot sa paglabag sa batas ang ating mga kababayan, lalo na ang masasamang elemento sa ating lipunan.