Itinuturing ang lalawigan ng Baler, Aurora bilang “Best Surfing Spot” sa Pilipinas kaya dinarayo ito ng mga taong mahihilig at gustong matuto mag-surfing.

Kamakailan, pinalad kami na makapunta sa naturang lalawigan kasama ang aking kabiyak na si Ed at piling mga kaibigan para sa ilang araw na bakasyon at nanatili sa Juana’s Angel Resort na pag-aari ng mag-asawang Alice at Angel Gonong.

Mula Maynila sakay ng isang van, umabot ang aming biyahe ng mahigit sa limang oras para marating ang may 230 kilometrong lugar ng Ba­ler.

Kung ikaw naman ay bibiyahe sakay ng isang bus, mas mabuti na magbiyahe sa gabi sakay ng Joy Bus na pag-aari rin ng Genesis Transport sa ha­lagang P750, para sa komportableng “slee­ping bus”. Kung ordinar­yong aircon bus naman ng Genesis, maghanda ng P550-600 na pamasahe.

Kabilang sa mga dinarayo ng mga tu­ristang lokal o banyaga ang Museo de Ba­ler, Sabang beach, Baler ha­nging bridge, Diguisit beach, Dicasalarin cove, Ermita hill, Giant Balete tree, Mother falls, Doña Aurora house, makasaysayang Baler Church sa aming dina­yong mapasyalan.

Sa halagang P800, maipapasyal ka ng tourist guide sakay ng isang tricycle at si­yempre pa, hindi daw matatawag na nakarating ka sa Baler kung wala kang “sel­fie” o “group picture” sa “Baler landmark” na matatagpuan  malapit sa makasaysayang simbahan ng Baler.

Kung nais mo namang matuto ng “sur­fing”, kinakailangan mong maglaan ng halagang P350-P500 para sa isang oras na “surfing tutorial” sa Sabang beach.

Hindi lang “surfing”, pasok din ang mga mahihilig sa “trecking” at gustong maglunoy sa “falls”.

Surfing sa Sabang beach
Surfing sa Sabang beach

Sa panayam sa mag-asawang Gonong, P1,500 ang kanilang parenta sa isang kuwarto para sa apat na katao na napaka-reasonable na ng presyo kum­para sa mga malalaking hotel tulad ng Costa Pacifica, Bayler View Hotel, Aliya Surf Camp and Resorts.

Marami pang transient house na maaaring tuluyan sa paligid ng San Luis St. patungo sa Sabang beach na maa­aring upahan ng P1,000-P1,500 kada araw para sa dalawang katao.

Kung trip mo naman makatikim ng murang pagkain, pumunta ka na lang sa rolling store kung saan sa halagang P100 tiyak na bundat na ang tiyan mo.

Tunay na makasaysayan ang ipinre­serba ng Baler na tahanan ng dating Pangulong Manuel Luis Quezon at ng kanyang maybahay na si Doña Aurora.

Museo de Baler
Museo de Baler

Sa kabila ng unti-unting pag-unlad sa lugar, napanatili ang matandang taha­nan, simbahan at kagandahan ng karagatan ng Baler, Aurora.

Wala na rin patid ang padating ng turista sa lugar kahit na hindi “summer season” na tinatawag nilang “peak season”.

Mababa ang crime rate, mababait ang mga tao at tunay na may nakatagong kasaysayang maiuugnay sa buhay ng da­ting Pangulong Quezon ang lugar kung saan makikita ma­ging ang kanyang unang naging sasakyan.

Kaya lang, meron din naman napansin ang aming grupo nang magtungo kami sa Caunayan Falls na medyo ikadidismaya ng mga turista na pupunta sa lugar. Pinagbayad kami ng tatlong beses bago namin narating ang aming pakay na puntahan.

Aliya surf resort
Aliya surf resort

Una ay para umano sa pagpasok ng sasakyan, pangalawa ay tig-P20 kada ulo para sa 10 metro daanan para makarating sa falls at panibagong P20 kada ulo para makapasok sa entrance gate ng falls na mabato, kakarampot ang dumadaloy na tubig at napakalayo kung ikukumpara sa mga napuntahan nating ibang falls sa ibang panig ng bansa na talaga naman sagana sa daloy ng tubig mula sa kabundukan.

Ang perang siningil ay para umano sa barangay na may-ari ng lupa na nasakop ng falls ang bahagi ng kanyang lupain at sa may-ari ng lupa kung saan nasakop ang falls.

Gayunman, para sa mga taong ang gusto’y mag “unwind”, go na kayo dito sa Baler, Aurora.