High-tech na ang prostitusyon sa Pilipinas para sa mga Philippine Offshore Gaming operators (POGO) worker.
Sa report sa 24 Oras, sinabi na aabot sa P100,000 ang binabayad ng mga parokyano ng isang sex ring na halo-halo ang lahi ng mga ‘nilalakong’ babae.
Puno ng mga Chinese, Russian at Japanese ang nasabing pugad ng prostitusyon, na kinakailangan ng QR code para ma-access.
“Itong mga QR codes’ pag ini-scan ng client nila, mag-a-appear ‘yung site kung saan makikita at makakapamili sila ng babae at kung anong serbisyong kayang gawin at kung magkano,” ayon kay NBI Special Task Force chief Gerald Geralde.
Saad pa nito na aabot sa P50,000 hanggang P250,000 ang bayad para sa isang babae depende sa nationality nito.
“Parang doon lang sila nag-meet, as two consenting adults e nag-agree sila sa isang one night stand kung tawagin, ito ang kanilang way para maitago, mai-conceal ‘yung kanilang prostitution activities,” saad ni Geralde.
Nasa 80 babae na ang na-rescue ng NBI, na kalahati ay mga foreigner. (Ray Mark Patriarca)