MAY NANALO NA para sa amin sa Cinemalaya 2017.

As of this writing ay 8 out of 9 competition films na ang napapanood namin at runaway BEST PICTURE namin ang hip-hop drama na Respeto.

Wala kaming expectations sa pelikula, pero sobra kaming na-impress dito nang mapanood namin sa TriNoma nu’ng Sabado.

Para itong Pamilya Ordinaryo last year na after naming mapanood ay alam na naming ito ang mag-uuwi ng Ba­langhai trophy for Best Picture.

Ang totoo, first Best Pinoy Film of 2017 para sa amin ang Respeto na dinirek ni Alberto Monteras II.

Hands down BEST ACTOR namin si Abra na napakahusay bilang pipitsuging pusher at wannabe rapper sa Respeto.

Hindi namin akalaing gifted actor pala ang 26-anyos na hip-hop ar­tist, na napakanatural umarte at star na star sa kanyang launching film.

Perfect si Abra (Raymond Abracosa sa totoong buhay) sa role ni Hendrix, ang jologs na binatang nangangarap maging rapper, na dahil sa kahirapan ay napilitang magtulak ng droga at magnakaw.

Kung ang rap icon na si Eminem ay may 8 Mile, si Abra ay may Respeto. At rerespetuhin mo siya rito bilang isang aktor.

BEST SUPPORTING ACTOR namin ang co-star ni Abra na si ­Dido Dela Paz, ang senior character actor na gumaganap bilang ­dating Martial Law poet na si Fortunato Reyes a.k.a. Dok.

Explosive ang screen chemistry ng batikang mambabalagtas at ng bagitong FlipTopper.

Ang mga eksena ng dalawa ang best moments ng pelikula, lalo na ‘yung bonggang sagutan nila after mabugbog si Hendrix. Dito pa lang ay sulit na ang ibabayad mo sa tiket.

Dating Kapuso director si Treb Monteras (nagdidirek noon ng Sarap Diva, Kusina Master, Party Pilipinas, atbp.) na gumagawa rin ng music videos, kaya hasang-hasa na siya para magpelikula.

Naalala namin sa ­Respeto ang Tribu ni Jim Libiran na tungkol sa mga gang na magkakalaban sa Tondo. Wagi itong Best Film sa 2007 Cine­malaya.