ABS-CBN doble ang pasanin

Doble ang kinakargang pag-aalala ngayon ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN. Ang enhanced community quarantine na nagpahinto sa trabaho ng kanilang mga artista.

At hindi lang ng mga personalidad na kontratado sa network, pati ang mga manggagawa ng istasyon ay wala ring kayod ngayon, merong mga shows ang ABS-CBN na gumagana pa rin pero sa pamamagitan lang ‘yun ng teknolohiya.

Ang ikalawang bumabagabag sa kanila ngayon ay ang nakabitin pang prangkisa ng network. Sa Mayo 4 na magtatapos ang kanilang lisensiya, paano kaya at ano ang mangyayari sa usapin sa Mababang Kapulungan, itutuloy kaya ang pagbababa ng paghusga o ipagpapaliban muna ‘yun dahil sa ECQ?

Kung nanawagan ang gobyerno sa mga nagpaparenta ng opisina at bahay na huwag munang maningil sa mga panahong ito, kung pati ang bayad sa tubig at elektrisidad ay pinagpaliban muna, sana naman ay mabigyan din nang mahabang panahong makapagsahimpapawid ang ABS-CBN.

Napakaraming natutulungan ngayon ng network, maraming pamilyang nagdarahop ang nabibigyan nila ng biyaya sa pamamagitan ng kanilang proyektong “Pantawid Ng Pag-ibig,” harinawang nakikita ng mga tagapamuno ng pamahalaan ang positibong aksiyon na ginagawa ngayon ng network para sa ating mga kababayan.

Sinesentruhan din nila ang pag-ayuda sa ating mga frontliner, namamahagi sila ng mga produktong magagamit ng mga doktor, nurses, caregivers, janitor at iba pang mga nagbubuwis ng buhay sa unahan ng laban sa corona virus, napakalawak ng tulong na ibinibigay ng ABS-CBN.

Magiging napakasakit naman para sa mga nagtatrabaho sa network na pagkatapos ng dusang inabot nila sa lockdown ay madadagdagan pa ‘yun nang mas matinding dagok kapag hindi binigyan ng franchise renewal ang kumpanyang pinagseserbisyuhan nila.

Tatakasan na sila ng pag-asa na kahit paano’y hawak pa nila ngayon. Ang mahigit na isang buwan nga lang na kawalan ng trabaho ay nagpabago na sa ikot ng kanilang mundo, paano pa kapag tuluyan nang naglaho ang kanilang network sa ere, ano na ang buhay na naghihintay sa kanilang mga pamilya?

Derek namumudmod ng tubig, donut

Positibo ang imahe ni Derek Ramsay. Hindi na basta makisig na hunk actor lang ang tingin sa kanya ngayon ng mga kababayan natin, aktor na may mabuting puso ang nadagdag sa kanyang imahe, dahil sa serbisyong hindi niya ipinagdadamot ngayon sa mga pamilyang nangangapa sa dilim dahil sa lockdown.

Araw-araw ay meron siyang destinasyon kasama ang kanyang mga kaibigan, may mga ipinamamahagi silang tubig, saka kilalang brand ng donut na siya ang nag-eendorso.

Hindi natin mapipilit ang tao kapag ayaw gumalaw, pero dahil natural nang maganda ang puso ni Derek, hindi na siya kailangan pang kalampagin para makatulong lang.

Tama ang kanyang pahayag na walang kasingsayang dulot ang pagtulong sa ating kapwa. Kapag may nakikita na siyang ngiti mula sa inaabutan niya ng tulong ay parang suwero ‘yun na isinasaksak sa kanyang mga ugat.

Ang pagtatawid ng pasasalamat sa kanya ng mga kababayan natin ay parang musikang napakasarap pakinggan. At hindi siya naghihintay ng balik, wala rin siyang hinihintay na papuri at ganti, dahil ang pusong mapagbigay at may malasakit ay kumikilos nang walang hinihintay.

Palagay nami’y sa altar na nga ang tuloy ng kanilang relasyon ni Andrea Torres dahil magkapareho ang paniniwala at paninindigan nila sa buhay.

Maganda rin ang puso ni Andeng, mapagmalasakit sa kapwa ang dalaga, isang katangiang mas nagpapatatag pa sa kanilang pagmamahalan ni Derek Ramsay.