ABS-CBN handang bitawan mga stocks

Walang problema sa ABS-CBN kung sakali mang pabitawan sa kanila ang mga Philippine Depositary Receipt (PDR), ngunit dapat anila’y maging patas at ipataw din ang pagbabawal sa lahat ng kompanya sa media industry.

Ayon kay ABS-CBN president and CEO Carlo Katigbak, wala silang nilabag sa pagbebenta ng mga PDR dahil bago nila ito inalok sa publiko ay nakakuha sila ng approval mula sa Securities and Exchange Commission.

“With regards to the PDR, our sentiment is that we acted in good faith by going to the SEC to secure approval before offering it to the public. And at that time, the SEC agreed that the instrument was legal,” ayon kay Katigbak.

At kung ipagbabawal naman ito ng SEC o korte ay handa naman umano silang tumalima.

“But if the SEC or a court of law, or even Congress wishes to disqualify the use of PDRs equally across the entire media industry, then ABS-CBN will be willing to modify, alter, or comply with the order if so directed,” aniya pa.

Ang PDR ay isang dokumento na binebenta para magmay-ari ng stocks sa kompanya at makatanggap ng kanilang hati sa nasabing kompanya, ngunit paliwanag ni Albay Representative Edcel Lagman, ang sinumang holder ng mga PDR ay walang voting rights at hindi maituturing na buong may-ari ng isang mass media firm. (RP)