ABS-CBN kasado na sibakan sa Hunyo

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak na pagsapit ng Agosto ay maaaring pag-usapan na nila ang pagbabawas o pagtanggal ng mga empleyado kapag hindi nakabalik sa operasyon ang Kapamilya network.

“We continue to lose a substantial amount of money every month and I’m afraid that if we cannot get back on air soon, by August, we may already have to consider beginning a retrenchment process,” pahayag ni Katigbak nang humarap sa pagdinig ng Senate committee on public services hinggil sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Ngunit posibleng sa Hunyo ay may mabuo nang listahan ang ABS-CBN management ng mga empleyadong sisibakin dahil sa shutdown ng network.

Ayon sa business news site na Bilyonaryo, isang source ang nagsabi na pagpatak ng Hunyo ay iaanunsyo na ang mga pangalan ng empleyado ng ABS-Dos na matatanggal dahil sa pagsasara ng Channel 2 at 23, gayundin ang kanilang radio station na dzMM at MOR 101.9.

Hindi pa batid kung magkano ang matatanggap na kabayaran ng mga tatanggaling empleyado, ngunit batay sa source ay ibabase ito sakaling hindi na muling ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Bibigyan umano ang mga empleyadong tatanggalin ng dalawang buwan na palugit para maubos ang kanilang mga leave credit. Karamihan umano sa mawawala ay mula sa broadcast engineering staff.

Matatandaan na dapat sana’y pag-uusapan sa Kamara ang pagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN hanggang Oktubre 2020, ngunit bigla itong binawi ni House Speaker Alan Peter Cayetano at sinabing sisimulan na lang ang pagdinig para sa 25 year franchise renewal ng network. (Ray Mark Patriarca)