Naghain kahapon, Huwebes, ng petisyon ang ABS-CBN sa Supreme Court (SC) na humihiling na mag-isyu ito ng temporary restraining order laban sa kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagpapatigil sa kanilang operasyon.

Base sa 46 pahinang petition for certiorari and prohibition, hiniling ng Kapamilya network sa SC na ibasura ang cease and desist order ng NTC at magdeklara ng permanent injunction laban sa implementasyon ng kautusan sa kanila.

Binanggit sa petisyon na tanging Kongreso ang may kapangyarihan na magkaloob at mag-renew ng legislative franchise.

Nakasaad din sa petisyon ng Dos ang liham ng House committee on legislative franchises noong Pebrero 26 kung saan hiniling din na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para makapag-operate simula Mayo 4, 2020 hanggang sa panahong nakapagdesisyon na ang Kamara hinggil sa franchise renewal nito.

Binanggit din ang resolusyon ng Senado na nagsasabing dapat magpatuloy sa kanilang operasyon ang ABS-CBN habang dinidinig pa ng Kongreso ang franchise renewal nito.

Nakasaad pa sa petisyon ng SC na mismong si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ay nanumpa sa House committee on legislative franchises na susundin ng ahensya ang payo ng Department of Justice at papayagang magpatuloy ang operasyon ng Kapamilya network.

Dagdag pa ng ABS-CBN na may limang kompanya ang pinayagan dati para makapag-operate sa kabila nang napaso na ang kanilang mga prangkisa. (Juliet de Loza-Cudia)