Ang brusko na tulad ni Calvin Abueva, mababaw din ang luha.

Naiyak ang binansagang The Beast nang malaman mula kay Coach Chot Reyes na kasali siya sa 12-man lineup ng Gilas Pilipinas na lumaro sa window 2 ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifying.

Kasama si Abueva nang matalo ang Filipinos sa Australia 84-68 sa Melbourne, dala-dala niya rin ang enerhiya na nakahawa sa teammates nang ipagpag ang Japan 89-84 sa MOA Arena nitong Linggo.

Angat sa 3-1 ang Pilipinas, nakatapak na ang isang paa sa next round at kailangan talunin ang Chinese Taipei o 4-0 Australians para makasiguro.

Nauna nang inilaglag si Abueva sa lineup sa second window dahil sa personal na problemang inasikaso. Pero nang makabalik ay tuloy sa pagpa-practice. Wala siyang palya sa ensayo.

“He never missed practice, he was playing on our scouting team in every practice,” lahad ni Reyes.

Nang abutin ng injury sina Troy Rosario at Mac Belo, at nang magdesisyon si Reyes na ipahinga si Jayson Castro (twisted ankle) kontra Australia, nagkaroon ng puwang sa team si Abueva.

“When I told Calvin he was going to (play against) Japan, he li­terally broke down in tears,” pagbubunyag ni Reyes. “Humagulgol talaga siya because he really wants to be part of this team. Through all of his personal problems, for him this is his family and we all treat him as our brother.”

Nang tapikin kontra Japan, kayod agad si Abueva.

Nagkagirian pa sila ni Takatushi Furukawa sa kalagitnaan ng third nang magbuhol sa rebound play na nagpainit pa lalo sa home crowd. Pagkatapos ng eksena, dalawang basket ang isinalpak ni Abueva para ilayo ang Gilas 60-49.
Tumapos si Calvin ng eight points, three rebounds at two assists. (Vladi Eduarte)