Abueva sumosobra na, tuturuan ng leksiyon

Abueva sumosobra na, tuturuan ng leksiyon

puro na kay marcial

Mukhang bi-bingo na si Calvin Abueva.

Papunta sa masagwa ang start ng Phoenix Pulse forward sa PBA Commissioner’s Cup, nakakadalawang isyu na si Abueva sa gayunding dami ng laro ng Fuel Masters.

Ayon sa isang insider, posibleng mas mabigat na parusa na ang igagawad ng PBA kay Abueva.

“Sa tingin nila Comm (commissioner Willie Marcial) medyo sumusobra na si Abueva sa mga ginagawa niya. Siguro medyo mabigat-bigat na parusa na ang kailangan,” pahayag ng source.

Una ay nakipagsagutan sa girlfriend ni Blackwater rookie Bobby Ray Parks Jr. na si Maika Rivera sa debut game ng Fuel Masters noong Biyernes sa MOA Arena sa Pasay. Naipanalo ‘yun ng Phoenix 103-98.

Sumenyas daw ng malaswa ang The Beast at tinawag na ‘bitch’ si Rivera. Pero ayon kay Abueva, sumagot lang siya dahil tinawag siyang ‘monkey’ at pinakitaan pa ng dirty finger.

Nitong Linggo lang sa Ynares Center sa Antipolo, bida na naman si Abueva sa pisikalang laro ng Phoenix at TNT na ipinanalo ng KaTropa 114-88.
Una ay binangga ni Abueva si TNT forward Anthony Semerad na nakikipaggirian na kay Rob Dozier wala pang 3 minutes sa laro. Pumito ng technical ang referee, lumala ang insidente nang magkatulakan at magpormahan, nasangkot na ang kambal ni Anthony na si David, at si Phoenix coach Louie Alas.

Ejected sina Alas at Phoenix forward Jason Perkins, at ang kambal na Semerad. Walang limang segundo, sumunod na napalabas si TNT active consultant Mark Dickel.

Pitong minuto na lang sa laro at malayo na ang KatTropa 93-72, binigyan ni Abueva ng clothesline si TNT import Terrence Jones. Una raw binayagan ni Jones si Abueva kaya gumanti lang ang Phoenix forward pero ‘di tinawagan ng referees.

“Ang masama nito, sinabi ni Abueva sa mga game official na, ‘Tingnan n’yo ‘ko, tingnan n’yo ‘ko’ before his hit on Jones,” dagdag ng insider. “Kaya ang labas, kumbaga, pre-meditated.” (Vladi Eduarte)