Nagkabutas-butas na ang halos lahat ng kalsada­ sa buong Metro Manila. Mula Norte hanggang Katimugang bahagi ng Kalakhang Maynila dahil sa walang patumanggang ­paghuhukay na ginagawa­ ng mga contractors ng Maynilad.

Kaya naman mas matin­ding traffic ang hinaharap araw-araw ng mga motorista at mga pasahe­rong bumibiyahe patungo sa kanilang mga trabaho­ at kung saan-saan pang ­destinasyon.

Masikip na nga ang daloy ng trapiko dahil sa sandamakmak na mga ­sasakyang pampribado­ at pampublikong buma­bay­bay­ sa ilang pangu­na­hin­ at maliliit na kalsada sa ­Metro Manila ay nakakadagdag pa ang napakaraming kons­truksyon ginagawa ngayon­ ng Maynilad sa kanilang mga linya ng tubig.

Wala sanang problema­ sa mga pagawaing ito ng Maynilad kung nadidisiplina­ nila ang kanilang mga kinokontratang mga tagagawa ng kanilang mga instilasyon ng tubig at kung anu-ano pang pagawain pero hindi naman.

Kung nadidisiplina nila ang mga ito aba’y dapat matitino ang mga kontra­tistang ito ng Maynilad. Sa napakaliit na paghuhukay ay inaabot sila ng kung ilang buwan kaya naman ang mahabang pasensya ng mga motorista ay nauubos.

Bukod sa inaabot ng ­siyam-siyam sa pagkukumpuni ng mga ginagawang ­linya ng tubig ay ­pabalik-balik pa sila sa paggawa kaya naman ­wasak-wasak na ang mga kalsadang pinaggawaan nila.

Sobra-sobrang pasakit na ang ginagawang ito ng kontratista ng Maynilad­ sa publiko. Ano kaya kung magsama-sama ang mga napeperwisyo nating mga kababayan at idemanda­ ang pamemerwisyong ­inaabot ng mga motorista at mga pasahero sa kamay ng mga walang malasakit na kontratista ng Maynilad?

Hindi ako magtata­kang may grupo ng mga consumers ang lulutang sa mga susunod na araw at papanagutin na ang ­ka­pabayaang ginagawa ng Maynilad at kanilang mga kontratista.

Pati ang mga naaksidenteng mga motorista dahil sa kapabayaan ng mga kontratista ay dapat na ring kumilos at papanagutin sa pinsalang kanilang inabot sa mga nakatiwangwang na mga hukay na gawa ng pribadong kumpanyang ito at idamay na rin dapat ang Department of Public­ Works and Highways (DPHW) na hindi rin ka­yang suhetuin ang kanilang mga kontratista­ sa Metro Manila na wala ring pakundangan sa pag­huhukay na tila walang hinahabol na deadline sa proyekto­ kaya kahit abutin­ na ng kung ilang buwan ay hindi­ pa ­natatapos ang napakaliit na mga konstruksyon.

Kung ganito kaabusado ang mga kontratista at wala namang pakialam­ ang mga kumpanyang kumokontrata sa kanila, aba’y mas mabuting dalhin na lamang sa korte ang problemang ito baka sakaling magkaroon ng solusyon at gumaan-gaan naman kahit papaano ang buhay ng mga napeperwisyong mga motorista at pasahero.

Mga consumer­ group baka gusto niyong manguna­ sa pagpapanagot sa mga pabayang kontratista,­ handang sumuporta ang inyong lingkod sa ikagagaan­ ng buhay nating lahat na mahabang panahon nang namomroblema sa trapiko.