Nagwelga ang mga empleyado ng motorcycle company sa Valenzuela City na pag-aari umano ng isang Chinese matapos na pagtatanggalin ang miyembro ng kanilang union dahil sa reklamo nito hinggil sa hindi patas na pagpapatupad ng kanilang karapatan.

Inilabas ng mga empleyado ng Yin Gang Motorcycles Inc. (YGMI), wholesaler ng Chinese made na motorsiklo, ang kanilang hinaing hinggil sa pamunuan ng kompanya dahil sa patu­loy nitong paglabag sa kanilang mga karapatan tulad ng kawalan ng re­gularisasyon, P400 kada araw na pasahod, mababa pa sa itinakdang mini­mum wage, at pagsibak sa 27 mga opisyal at miyembro ng union.

Ayon sa presidente ng union ng mga manggagawa na si Jeremy Caspe, nagtiyaga ang mga ito sa malupit na kalagayan na sinapit sa may-ari ng kompanya, dahil sa hirap ng buhay, ngunit pinatanggal pa rin sila.

Marami umano sa empleyado ng YGMI ay mahigit apat na taon na sa kompanya ngunit hindi pa rin nagiging regu­lar, kahit pa direkta itong tinanggap at hindi dumaan sa agency. Ang ilan naman sa kanila ay dumaan sa ilalim ng KJM Manpower Services,­ ngunit natuklasan ng union na ipinatutupad nito ang iligal na labor-only contractor.