Dapat magsilbing wake-up call ang report ng isang organisasyon na naka-base sa Davao City kaugnay ng iba’t ibang klase ng pang-aabuso sa mga anak ng OFWs.

Partikular na naka­babahala ang apat na kaso ng incest, bukod pa sa mga kaso ng panggagahasa, teenage pregnancy at juvenile delinquency sa mga anak ng OFW.

Ang mga insidente ay ini-report ng Mindanao Migrants Center for Empowering Actions sa 12 komunidad sa Davao City, partikular ang Calinan, Los Amigos, Tugbok, Catalunan Pequeño, Bago Aplaya, two villages in Talomo, Matina, SIR at Bucana.

Tip of the iceberg

Sinabi naman ng Davao City Children Welfare’s Council na marami sa mga pang-aabuso sa OFW children ay dulot ng hindi magandang samahan nila ng tumatayong guar­dian o naiwang magulang.

Marami rin daw OFW children ang inabanduna na ng magulang o guardians kung kaya’t napapariwara.

Ang ganitong pag-aaral na isinagawa sa Davao City ay maaaring tip of the iceberg lang ng mga katulad na insidente ng pang-aabuso sa OFW children sa maraming barangay sa buong bansa.

Replicate the study

Upang makapaglatag ng programang makakatulong sa mga napapabaya­ang mga anak ng OFWs ay dapat ma-replicate sa buong Pilipinas ang nasabing pag-aaral. Baka ma-shock tayo kung gaano na kalala ang problema.

Karaniwang naiiwan ang OFW children sa ama o ina habang ang OFW na magulang ay nagtatrabaho sa abroad. Kung sila ay mapapabuti o mapapasama ay nakadepende sa kung matuwid o hindi ang pamumuhay ng naiwang magulang.

Ang malaking problema ay kung parehong nasa abroad ang ama’t ina ng mga bata in which case ay naiiwan sila sa lolo’t lola o mga tiyuhin at tiyahin at hindi nagiging priority ang pagbibigay ng kanilang mga pangangailangan.

Napapabayaan

Siyempre pa ay may sariling alalahanin (o sari­ling mga anak) ang pinag-iwanang guardians ng OFW children kung kaya madalas ay napapabayaan ang mga ito o naabuso.

Kung binigyan ng importansiya ang apat na kaso ng incest, iyan ay upang bigyan-diin na maraming pang-aabuso sa OFW children ang nangyayari sa loob mismo ng pamamahay.

Ano kaya ang pangkalahatang datos sa estado ng OFW children sa buong bansa?

Isolated incidents lang ba ang nabanggit natin o reflective iyan ng sitwasyon sa buong bansa?

Come follow me on twitter @beeslist or call Usapang OFW @551-5163 or e-mail usapang_ofw@yahoo.com for your comments and questions.