Hinimok ng isang samahan ng mga commuter ang pamahalaang lokal na gumawa ng isang mandatory ordinance para sa mga pasahero ng mga tricycle.
Binigyang-diin ni Atty. Ariel Inton Jr., founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), na mahalaga ang insurance para sa mga pasahero ng tricycle para na rin sa kaligtasan ng mga pasahero, driver at operator.
Ayon pa kay Atty. Inton, dapat umanong gumawa ng kaukulang hakbang ang pamahalaang lokal para sa kaligtasan ng mga pasahero at ang tugon dito ay isang insurance.
“Ito ‘yung reality, very useful ang tricycles, sa short o long distance, gamit school service, pamalengke, sa alanganing oras tricycle din ang sinasakyan ng mga call center agents with the minimal fares,” ani Inton.
Sinabi pa ni Inton na dapat umanong seryosohin ng pamahalaang lungsod ang pagkakaloob ng personal insurance program kung totoo nitong pinapahalagahan ang kanilang mga nasasakupan.
“Sa konting halaga lang insured ang bawat pasahero basta sumakay sa tricycles kung magkaroon ng aksidente o mamatay,” dagdag pa ni Inton. (Riz Dominguez)