Hindi maawat si Quezon City Police District (QCPD) Director Senior Supt. Guillermo Eleazar sa pagtatrabaho sa kanyang distrito.
Sabagay kahit sino naman kung sunud-sunod ang tagumpay ng kaliwa’t kanang operasyon kontra kriminalidad at iligal na droga ay hindi panghihinaan ng loob at sa halip ay lalo pang kikikig ang sinumang opisyal.
Sa dami ng accomplishment nitong mga nagdaang araw ng QCPD ay nangingibabaw dito ang nakapabilis na operasyong ikinasa ng QCPD siyempre sa direktiba ni Eleazar sa killer ng isang nurse ng St. Luke’s Medical Center na walang awang pinatay ng isang drug addict.
Ang suspek sa likod ng pagpaslang sa St. Luke’s nurse ay si Jeffrey Guarin, 22, na ayon kay Eleazar ay dati nang sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang noong Hulyo 15.
Inamin ni Guarin na lango siya sa iligal na droga nang kanyang gawin ang pagpatay sa biktimang si September Ann Paz, 24, na nagtamo ng 19 na saksak sa katawan.
Pero dahil talagang masigasig ang liderato ng QCPD ay agad na nasukol si Guarin.
Sinundan agad ito ng mabilis ding pagresponde ng QCPD sa isang insidente ng pamamaril sa anak ni Quinnie Casimiro ng ABS-CBN Zamboanga.
Isa pang matagumpay na operasyon ng QCPD ay ang pagkakapatay sa kilabot na pinuno ng isang gun-for-hire gang na nag-o-operate sa Region 3, Region 5 at Metro Manila na si Glen Peregrino Ebio, 31, na matagal nang may standing warrant of arrest para sa kasong murder, at isa pang lalaki na hinihinalang miyembro rin ng sindikato.
Pinilayan din ng QCPD ang kilabot na Asero Drug Group makaraang mapatay sa engkwentro ang pinuno na si Narciso Agave Asero, at apat na miyembro ng sindikato sa buy-bust operation ng anti-drug operatives ng QCPD Station 4 sa Novaliches nitong Hulyo 12.
Kung ganito lang ba nang ganito ang ating mga kapulisan lalo na ang mga opisyal sa performance ni Eleazar, aba’y hindi malayong makamit ng gobyernong Duterte ang tagumpay sa ipinangakong paglaban kontra krimen at iligal na droga at makasisiguro na tayo ng isang matahimik na komunidad.
Kaya nga ba walang itong sakit ng ulong ibinibigay kina National Capital Region (NCR) Police Director Chief Supt. Oscar Albayalde at Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil sa kanyang masigasig na pagtupad sa tungkulin.
Sabagay wala talagang sini-sino ang opisyal na ito na nabansagang “purger” o maninibak dahil sa dami ng mga tauhan sa QCPD na kanyang inalis sa puwesto na aabot na sa 150.
Pero sa kabila ng nasabing imahe, pinangunahan mismo ni Eleazar ang pag-promote sa 627 pulis ng QCPD patungo sa ranggong PO2, PO3 at PO4. Ito ay mga ordinaryong pulis at hindi mga opisyal, ibig sabihin patas ang opisyal na naniniwala sa prinsipyong “reward the good, reject the bad.”
Sibakin nga naman ang mga may bahid ang integridad pero bigyang-pagkilala ang mga tunay na nagsisilbi sa taumbayan.
Kaya kay Director Senior Supt. Eleazar, saludo sa inyo ang Aksyon Lady!
bakit dito s tonite may sense mga nababasa bkit s kbilang abante prang di mga journalist nagsusulat…