Hindi pumapanig sa Team Pilipinas ang tangkang resbak sa defending champion China sa rematch mamayang alas-6:30 ng gabi sa Day 2 ng 29th FIBA Asia Cup 2017 sa Nouhad Nawfal Sports Complex sa Beirut, Lebanon.
Dehado na nga sa papel, nalamangan din sa tao-sa-tao ang Gilas sa pag-atras ni naturalized center Andray Blatche dahil sa umano’y isyu sa suweldo, at pagkakaroon ng calf injury ni slotman June Mar Fajardo bagama’t sumama pa rin sa biyahe.
Parang kahapon lang nang lumuhod ang Nationals sa Chinese, 78-67, sa gold medal match ng parehong torneo noong 2015 sa Changsha, Hunan.
Malalim ang bench ng China. Bawat posisyon ay bentahe sa tangkad, nasa kanila ang pinakahigante’t magaling na sentro kina 7-foot-2 Li Muhao at 7-foot-1 Han De Jun na malaking challenge kina 6-10 Japeth Aguilar, 6-8 Christian Standhardinger at 6-7 Raymond Almazan.
Top guard sa kontinente si 5-10 Jayson Castro mula 2013, pero puwede siyang baklasin sa puwesto alinman sa mga pambato ng China na sina 6-3 Liu Xiaoyu, 6-4 Guo Ailun,6-5 Li Gen, 6-3 Yu Dehao, 6-4 Zeng Lingxu at 6-3 Wu Qian.
Aasa rin si Gilas coach Chot Reyes kina 5-10 Terrence Romeo na puwedeng pumutok sa labas, 6-2 Matthew Wright, 6-0 Roger Pogoy at 5-7 Jio Jalalon.
Magkakatalo pa sa wing na puwesto nina 6-3 Carl Cruz, 6-2 Calvin Abueva at 6-5 Gabe Norwood kontra kina 6-7 Gu Quan, 6-9 Zhou Peng, at 6-8 Ren Junfei.
Ang dalawa pang preliminary games ng PHL 5 ay kontra Iraq sa Biyernes (Aug. 11) ng 9:00 p.m., at Qatar sa Aug. 13 (9 p.m.).
Kailangang tumapos ng Pilipinas sa top 2 sa Pool B para umusad sa quarterfinals.