Actress-TV host malutong magmura sa kasambahay

tonite-pak-allan-diones

Bali-balita ang ilang ­celebrity na nananakit umano ng kasambahay, kaya naalala namin ang chika ng isang friend namin.

Nang minsan kasing pumunta sa bahay ng isang actress-TV host (ATH) ang kaibigan namin ay dinig na dinig niya kung paano mura-murahin ng aktres ang mga kasambahay nito.

Talak galore si ATH sa kanyang pobreng kasambahay porke may hinihingi siya na hindi agad nito naibigay. Napakalutong magmura ni ATH kaya ‘yung friend namin na nakarinig ang nanliit.

Ang nakakalerky pa, nandu’n ang staff ng show ni ATH dahil may taping sila sa bahay nito. Dinig na dinig din ng staff kung paano mura-murahin ni ATH ang kawawang kasambahay.

Nagulat ang kaibigan namin sa nasaksihan niya dahil hindi niya akalain na ganu’n pala itrato ni ATH ang mga kasamahan niya sa bahay.

Ang alam ng friend namin ay mabait si ATH at magaling makisama lalo na sa maliliit na tao bilang nanggaling din naman ito sa wala.

Feeling niya ay baka sinasadya pa ni ATH na lakasan ang boses nito habang tinatalakan ang mga kasambahay para ipaalam sa lahat na siya ang reyna sa loob ng kanyang bahay.

Alam ng kaibigan namin ang pinagmulan ni ATH kaya hindi niya ma-take na ganu’n ito kalupit sa mga taong mas mababa ang estado sa buhay kumpara kay aktres.

Porke ba nakakaangat-angat na siya ngayon at nakakariwasa ay ganu’n na lang kung tratuhin niya ang mga pasuweldong tauhan niya?

Hindi ba dapat ay mas naging mababang loob pa at mapang-unawa si ATH ngayong yayamanin na siya at abot-abot ang tinatanggap na biyaya?

Hindi sure ang kaibigan namin kung dumating na sa puntong nasaktan o napagbuhatan ng kamay ni ATH ang mga kasambahay nito, pero nakumpirma niyang masama ang tabas ng dila ng aktres at wagas itong magmura sa mga katulong.

Jona ‘di keri ang pito ni Morissette

Tinawanan lang ni Lani Misalucha ang tanong kung sino ang mas magaling sa kanilang dalawa ni Regine Velasquez.

Ang sabi ng Asia’s Nightingale, binibigay niya lang lagi ang best niya dahil ‘yun ang ine-expect sa kanya.

Sey niya pa, mahirap ikumpara ang kanyang sarili sa iba.

“Parang sinabi mo sa ibang tao na, ‘Alam mo, mas maganda ako sa ‘yo!’ Ang hirap naman nu’n,” ­natatawang bulalas ni Ms. Lani.

Kung si Lani ay tinatapat kay Regine, si Jona naman ay ikinukumpara kay Morissette Amon na gaya nito ay kabogera rin pagdating sa biritan.

Ani Jona, hindi maiiwasan ‘yung pagkukumpara na gano’n, pero magkaibigan daw sila ni Mori at super okey silang dalawa.

“Hindi po kami nagpapatalbugan, we just do our own thing and we do our thing the best we can. For us, chill lang po kaming dalawa,” pakli ni Jona.

O sige, sino na lang ang mas mataas ang boses sa kanila ni Morissette?

“Grabe ka! Ha! Ha! Ha! Well, basta po ang masasabi ko kay Mori, I praise her vocal ability kasi napakalawak ng range ng boses niya.

“She can do whistles, basta halos lahat kaya niyang gawin. Bilib ako sa singing talent na meron siya.”

Ayon kay Jona, parang hindi niya keri ‘yung sobrang tataas na pagpito na ginagawa ni Mori. Nagwi-whistle rin daw siya, pero limited lang kung gawin niya ‘yon at depende sa kanta.

Magkasama sina Ms. Lani at Jona sa “The Aces” concert with Darren Espanto sa March 30 sa Araneta Coliseum.

Kilala rin si ­Darren sa pag-awit ng matataas na kanta kaya makikipagsabayan ng biritan ang bagets kina Lani at Jona sa Araneta.