Adamson binokya ng Ateneo

uaap-logo-001-banner-size

Dalawang beses pinahalik sa net ni Jarvey Ga­yoso ang bola at binokya ng Ateneo ang Adamson 4-0 Linggo ng gabi sa UAAP Season 79 men’s football sa Rizal Memorial Stadium.

Umatake si Gayoso sa fifth minute bago tinuldukan ang dominasyon ng Blue Eagles sa 71st.

Sa 58th at 67th, nagdagdag ng tig-isang goal sina Inigo Herrera at rookie striker Sam Lim para sa Ateneo.

Kumolekta rin ng three points ang FEU nang blangkahin ang UST 2-0. Matikas na binalatan ng Tamaraws ang torneo pagkatapos ng nakakadismayang fifth place finish lang noong isang taon.

Sa opener noong Sabado, nauwi sa scoreless draw ang sipaan ng defending champion UP at De La Salle, naghati rin sa puntos ang NU at UP pagkatapos ng 2-2 draw.

Balik ang aksiyon sa Huwebes, dalawang matches ang mapapanood nang live sa S+A Channel 23.