Walang dungis sa 2-0 na baraha ang bitbit ngayon ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa UAAP Season 81 women’s volleyball.

Winalis ng Taft-based squad ang Adamson University (AdU) Lady Falcons sa loob ng tatlong set 25-16, 25-21, 25-20 Sabado sa The Arena sa San Juan City.

“Hindi ko rin inaasahan na gagalaw nang maayos ‘yung mga bata kasi knowing Adamson their floor defense tapos good passer, maayos din ‘yung set nila mabilis. Siguro mas naka­kilos lang ng maayos ang mga bata,” sabi ni La Salle Coach Ramil de Jesus.

Namuno sa opensa ng Lady Spikers si rookie Jolina dela Cruz sa kanyang 10 points pero mas nangi­babaw ang 25 excellent digs ni Michelle Cobb.

“Nakakatuwa po kasi panalo po ulit kami. Pinakita po namin na nagtutulungan kami sa loob wala po talagang nag-gigive-up,” ani ni Dela Cruz na nagdagdag ng 18 excellent digs.

Bukod sa rookie, bumandera rin para sa Lady Spikers ang kapitanang si Desiree Cheng at Aduke Ogunsanya na may tig-siyam na puntos sa kanilang pangalan.