Naniguro sa Final Four ang reigning six-time champion Adamson matapos kalawitin ang 15-1 panalo laban sa UP sa UAAP Season 79 softball tournament sa Rizal ­Memorial Baseball Stadium kahapon.

Nakalsuhan ang six-game winning run ng Lady Falcons sa pagbubukas ng second round, yumuko sa University of Santo Tomas, 1-0, noong Huwebes.

Agad bumangon ang Adamson U para ilista ang 7-1 record at hablutin ang unang silya sa semifinals.

Sunod na target ng Lady Falcons ang twice-to-beat incentive.

Sa ibang laro, kinaldag ng National U ang De La Salle, 9-3, at tinalbos ng UE ang Ateneo, 10-0.

Angat ang Lady Bulldogs sa 6-1, isa’t kalahating laro sa unahan ng Tigresses (5-3) para sa twice-to-beat slot sa semis.

Kasalo ng Lady Warriors ang Lady Archers sa No. 4 na may tig-4-5 records, laglag na ang Lady Eagles sa Final Four race matapos malasap ang pang-walong kabiguan sa siyam na laro.