Sinisimulan natin ngayong Unang Linggo ng bagong kalendaryo ng liturhiya ng Simbahan (Year C) ang ‘Panahon ng Adbiyento.’ Ang ibig sabihin “Adbiyento” ay “pagdating.” Muli nating binubuksan ang ating puso sa pagbabalik-loob ngayong papalapit nang muli ang kapaskuhan. Sa araw na ito, opisyal na sinisimulan ng mundong Kristiyano ang pahahan­da sa pagdatal ni He­suKristo ngayong Pasko.

Turo ni Pope Emeritius Benedict XVI, noong u­nang panahon ‘Adbi­yento’ ang tawag sa pagdalaw ng hari sa lugar na nasasakupan. Sa lengguwahe ng Iglesia, tinutukoy nito ang “pagdating ng Panginoon” o “presensiya ng Diyos sa mundo”- isang misteryo na sumasaklaw sa kabuuan ng sansinukob at kasaysayan. Ang sinasabing ‘Pagbisita ng Poon’ ay kinapapalooban ng dalawang kaganapan: ang una at ikalawang pagdating ni HesuKristo.

Paliwanag ng Papa, ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos ay naganap na ngunit ang kanyang maluwalhating muling pagbabalik ay hindi pa, pero nagsimula na! Nabago na ng Panginoon ang ‘direksiyon’ ng kasaysayan, nahango na ng Diyos ang sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan; gayunman, patuloy ang pagdalaw Niya sa pagpapahayag ng Simbahan ng Mabu­ting Balita tungo sa ganap na kaligtasan ng tanan hanggang sa muling pagbabalik ng Panginoon.

Ang Adbiyento samakatuwid ay panahon ng pahahanda ng sarili sa “muling pagsilang“ ni HesuKristo na patuloy na kumakatok sa ating mga puso sa bawat yugto at pangyayari sa buhay, hindi lamang tuwing Pasko. Layon ng panahong ito na ma­ging mas makabuluhan ang pagdiriwang natin sa sinasabing ‘kaa­rawan’ ni Hesus upang sa pamamagitan ng bagbubukas ng kalooban, malugod nating salubungin ang pagpapamalas ng Panginoon sa bawat kabanata ng ating paglalakbay sa mundong ibabaw.

Sa paggunita at pagsasabuhay ng ‘Disiplina ng Adbiyento,’ ibinabal­ing natin ang ating kaisipan sa ‘kahulugan ng Pasko’ o dahilan ng ating paghahanda sa sama-samang panala­ngin at pagninilay sa pagkakaloob ng Diyos ng mismo Niyang sarili. Totoong nais ng Panginoong HesuKristo na “muling ipanganak” sa ating puso. Importante sa lahat at higit sa mga materyal na handog ng kapaskuhan, itinutuon natin ang sarili sa ‘panloob na pangyayari’ nang may lubos na pag-asa at pasasalamat sa dibdib.

Dagdag ni Pope Emeritus, sa pamamagitan ng Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus, naisakatuparan na ng Diyos ang pagbabagong-anyo ng tao at kosmos. Gayunman, bago dumating ang ‘katapusan’ o Mu­ling Pagbabalik ni Kristo, kailangang maipahayag ang Ebanghelyo sa buong sandaigdigan at bukas-loob na tangappin ito ng sangkatauhan. Patuloy na kumakatok ang Diyos sa puso ng lahat, patuloy ang Kanyang paanyaya. Isang seryosong hamon, samakatuwid ang Adbiyento na buksan ang puso’t isipan sa pagpapakubaba at pagbabalik-loob.

Ngayong sinisimula natin ang paghahanda sa pagtanggap sa Pa­nginoon, muli tayong tumitingin papaloob sa ating sarili. Huwag sana nating sayangin ang bagong pagkakataong ibinibigay sa atin na muling alalahanin ang ating dating kondisyon sa kadiliman ng kasalanan upang mamutawi ang pasasalamat at pagtanggap kay Kristo na ‘Liwanag ng Sanlibutan’ sa kaibuturan ng ating puso; sapagkat si Hesus lamang ang ating pag-asa at kaganapan ng “bagong paglikha” na umuusbong sa piling natin.

Ngayong pahanon ng kapaskuhan, maaari na naman tayong maging abala sa sanlibo’t isang materyal na preparasyon at makaligtaan ang bagay na mas mahalaga sa Diyos- ang ating kalooban! Sikapin nawa nating huwag makalimot sa “dahilan” ng ating pagdiriwang. Sana ‘wag nating haya­ang dumaan na naman ang Pasko nang walang panloob na pagbabago sa atin. Gawin nating makabuluhan ang Paskong darating kahit sa gitna ng kahirapan ng buhay ngayon.

Sa huli, magiging makabuluhan lamang ang ating selebrasyon kung pipiliin natin ibalik si Kristo sa Pasko. Nawa sa mga susunod na Linggo ng Adbi­yento, pagnilayan na­ting maigi kung ‘bakit’ may Pasko- maging mas mataimtim nawa ang ating panalangin ngayong mga araw na ito upang sa pahanon ng ating pag-iintay, suklian ng Panginoon ang ating pananampalataya at pag-asa ng handog Niyang pag-ibig at kapayapaan. “Maranatha! Halina, Pangoong Hesus!”