Nagsimula na ang paghahanda para sa kaarawan ng Panginoong HesuKristo. Ngayong panahon ng Adbiyento muli nating binubuksan ang ating puso sa pagbabalik-loob at masayang paghihintay; ilang araw na lang ay Pasko na naman!
Ayon kay Pope Benedict XVI, ang Advent season ay panahon ng paghahanda ng sarili sa ‘muling pagsilang’ ni HesuKristo. Ang pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos ay naganap na sa kasayasayan; hinihintay na lang natin ang ‘Second Coming’.
Samantala, patuloy ang ‘pagdalaw’ ng Poon sa atin; present Siya tuwing ipinapahayag ng Iglesya ang Mabuting Balita para sa kaligtasan ng tanan, hanggang sa Kanyang muling pagbabalik. Patuloy Siyang kumakatok sa ating mga puso.
Giit ng Pope Emeritus, layon ng Simbahan na maging mas makabuluhan ang pagdiriwang ng Kaarawan ni Hesus kada taon. Sa pagbubukas ng ating puso, malugod nating sinasalubong ang Tagapagligtas sa Kanyang muling pagpapamalas ng sarili.
Sa mga susunod na araw, muli nating isasabuhay ang ‘disiplina’ ng Adbiyento sa pamamagitan ng pagtuon ng sarili sa tunay na signipikasyon ng Pasko at makatuturang paghahanda. Sama-sama tayo sa panalangin, with joyful expectation.
Sentro ng ating pagninilay tuwing Adbiyento ang misteryo ng pagkakaloob ng Ama sa Kanyang Bugtong na Anak. Tunay na nais ng Diyos na ‘muling ipanganak’ sa ating puso tuwing Pasko. Mahalagang ituon ang sarili sa ‘panloob na pangyayari’ upang magdulot ito ng lubos na pasasalamat sa dibdib.
Ngayong unang linggo ng paghahanda sa pagtanggap sa Panginoon, muli tayong inaanyayahang tumingin ‘paloob’. Ang paanyaya ng Simbahan na imulat ang sarili sa pagpapakumbaba at pagbabalik-loob ang tumatayong hamon ng panahon.
Ngayong darating na Pasko, huwag nawa natin muling kaligtaan ang ‘dahilan’ ng ating pagdiriwang — ang pagdatal ng ‘Liwanag ng Sanlibutan’ sapagkat Siya lamang ang kaganapan ng ‘bagong paglikha’ na umuusbong sa piling natin.
Muli, magiging makabuluhan lamang ang ating selebrasyon kung ibabalik natin si Kristo sa Pasko. Pagnilayan nating maiigi kung bakit hindi puwedeng hindi ipagdiwang ang Pasko. Maging mataimtim nawa ang ating panalangin upang sa panahon ng paghihintay, mapuspus tayo ng pag-asa at kapayapaan.