By Antonio Tinio
Noong 2018, nagdulot ang maling pamamalakad sa ekonomiya ng administrasyong Duterte, lalo na ang pagpataw ng kontra-mahirap na batas TRAIN at manipulasyon ng gobyerno ng pag-import ng bigas, ng pinakamataas na pagtaas ng mga presyo sa halos isang dekada, na nagdala ng higit na kahirapan sa milyon-milyong pamilyang maralita at mababa ang kita. Nanatiling malaganap ang kawalan ng trabaho, lupang masasaka at kahirapan, sa kabila ng pinagmamalaking paglago ng ekonomiya. Naghabol at nakakuha si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga utang at puhunan mula sa China kapalit ng mga soberanong karapatan natin sa West Philippine Sea.
Lalong humayo si Pangulong Duterte ang landas ng tiranya at panunupil noong 2018. Pinili niya ang gera sa halip ng usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan. Pinatindi niya ang mga operasyong militar sa kanayanunan, lalo na sa mga komunidad ng Lumad sa Mindanao. Nakakuha siyang muli ng panibagong taning para sa Martial Law sa Mindanao at nagtalaga ng karagdagang tropa sa ilang bahagi ng Visayas at Luzon. Patuloy ang pagpaslang ng libo-libong Pilipino sa ngalan ng kanyang gera kontra droga, samantalang patuloy na naipapasok sa bansa ng mga sindikato ng droga ang malalaking kargamento ng shabu. Walang napananagot para sa mga extra-judicial killing. Kabilang na sa mga biktima into ang mga mamamahayag, abogado, doktor, pari at pulitiko.
Nakaiwas sa pananagutan maging ang mga kakampi sa politika ni Pangulong Duterte na humaharap sa kaso ng katiwalian at iba pa pa, na kinatatampukan ng pagpapawalang-sala ni Bong Revilla sa kasong plunder at ni Speaker Gloria Arroyo sa electoral sabotage. Samantala, nagpasilip sa katiwalian ng rehimen ang bangayan sa hanay ng naghaharing koalisyon. Pinag-aagawan ng mga paksyon ang kontrol sa pondong publiko at mga kontrata ng gobyerno.
Pinag-ibayo ni Pangulong Duterte ang kanyang atake sa mga itinuturing niyang kritiko at katunggali. Tinulak niya ang pagpapatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Korte Suprema, tinatakot ang media at simbahang Katoliko, at inatasan ang militar at pulis na “wasakin ang Kaliwa.” Walang duda na lalong lalala ang panunupil sa oposisyong politikal habang patuloy na kumikilos ang rehimeng Duterte upang matiyak ang tagumpay ng mga kandidato nito sa halalan sa 2019.
Nasaksihan natin noong 2018 ang paglawak ng mga puwersa na tumututol at lumalaban sa mga kontra-mamamayan at ant-demokrating patakaran ng administrasyong Duterte. Kabilang dito ang serye ng mga welga ng manggagawa laban sa kontraktuwalisasyon, malapad na nagkakaisang protesta ng mamamayan sa SONA, at masiglang kampanya upang ipagtanggol ang mga paaralang Lumad.
Sa pagtindi ng panunupil, lumalaganap ang paglaban.