Ador Mawanay nanggantso ng P12M face mask

Hindi na nakatakas sa batas si Ador Mawanay makaraang damputin ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa kasong pang-e-estafa umano ng P12M halaga ng face mask sa Pasig City.

Si Mawanay, Antonio Luis Marquez sa totoong buhay ay inaresto sa Greenwoods Executive Village kamakalawa makaraang kasuhan ng estafa ng isang doctor sa Antipolo City court.

Ayon sa reklamo, nabigo umano si Mawanay na i-deliver ang 200,000 piraso ng face mask makaraang makuha nito ang P12M kabayaran. P40,000 ang itinakdang piyansa ng korte para sa nasabing kaso.

“He promises fast delivery, but once payment is made, he will then block the numbers of his customers and never completes the transactions. No deliveries were ever made or completed,”ayon kay PNP-CIDG chief P/Maj. Gen. Joel Napoleon Coronel .

Ayon kay Coronel, bukod dito ay may mga standing arrest warrant din si Mawanay sa Quezon City, San Juan at Antipolo.

Sino ba si Ador Mawanay?

Noong 2001 ay naging maugong ang pangalan ni Mawanay dahil nagsilbi itong star witness ukol sa mga pinupukol na krimen laban kay Senador Panfilo Lacson.

Si Ador ay dating civilian agent nang nalusaw na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), at ayon sa kanya ay si Lacson umano ang utak sa pagpaslang sa publicist na si Salvador ‘Bubby’ Dacer at driver na si Emmanuel Corbito.

Ang dalawa ay kinidnap sa Makati kung saan nakita ang kanilang bangkay sa isang sapa sa Indang, Cavite buhat noong mawala sila noong November 2000.

Bukod pa sa Dacer-Corbito murder case, tinuro din ni Mawanay si Lacson na may kinalaman umano sa pagkamatay ni Edgar Bentain, isang video technician ng Philippine Gaming Corporation (Pagcor).

Dinikit din ni Ador ang pangalan ni Lacson sa mga iligal na bentahan ng shabu, maging sa pagkakaroon umano ng milyones sa US bank account, na mariing tinanggi ng senador ang lahat ng akusasyon laban sa kanya.

Marso ng 2013 ay binawi din ni Mawanay ang kanyang mga paratang kay Lacson sa isang affidavit at binaling naman ang sisi kay dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo.

Halos dalawang dekada na ang nakalipas ay hindi pa rin makalimutan ni Lacson ang ginawang paratang sa kanya ni Mawanay, na kanyang nabanggit ang pangalan nang udyukan ang Kongreso para bigatan ang mga parusa sa mga perjurer, o iyong mga magsisinungaling na mga testigo sa harap ng imbestigasyon.

“I myself had been a victim of untruthful testimonies fabricated with the end goal of destroying my person. Never would I forget the unadorable persons answering the names of Ador Mawanay and Cezar Mancao, and a host of other characters who [wove] unthinkable lies and narratives of the crimes that I supposedly committed,’’ ayon kay Lacson. (RP)