Nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung paanong ang malalakas na kalibre ng baril at libo-libong mga bala na para sana sa mga sundalo ay napunta sa kamay ng isang mag-asawang gunrunner na nasakote sa Valenzuela City.
Matatandaang naaresto noong Linggo ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mag-asawang Edgardo at Rosemarie Medel sa isang entrapment operation sa Valenzuela City. May linya diumano ang mag-asawa sa mga tiwaling politiko at mga miyembro ng Maute terror group.
Nasamsam sa mag-asawa ang dalawang assault rifle, isang maiksing baril at 12,893 rounds ng mga bala para sa M60 light machine gun at M16 automatic rifle na galing sa AFP.
Nabatid na may label ng AFP, Government Property at Philippine Army (PA) ang wooden container ng mga armas at mga bala na na-trace na galing sa 7th Infantry Division sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Sinabi kahapon ni AFP Public Affairs Office chief Col. Noel Detoyato na bagama’t kumpirmadong wala sa kanilang inventory ang nasamsam na mga baril at bala ay magsasagawa pa rin sila ng beripikasyon para malaman kung may nawawala sa kanilang ammunition stock na posibleng napasakamay ng mga gunrunner.