Kasabay ng pagbawi kagabi sa unilateral ceasefire na unang dineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), inatasan din nito ang lahat ng security forces sa bansa na maging alerto at ipagpatuloy ang pagpapatupad ng kanilang mga gawain at mandato para ma-neutralize ang lahat ng banta sa pambansang seguridad.
Alas-siyete kagabi nang bawiin ni Pangulong Duterte ang idineklarang unilateral ceasefire sa mga rebeldeng komunista kasunod ng deadline na ibinigay niya sa National Democratic Front (NDF) upang maipaliwanag ang dahilan ng pagkakapatay sa isang miyembro ng Cafgu at kung ano aniya talaga ang gusto ng mga ito.
Nagbigay ng takdang oras ang Pangulo upang ipaliwanag ang naturang pangyayari hanggang alas-singko ng hapon ng Hulyo 30, 2016 ngunit nabigo ang NDF na makapagbigay ng paliwanag kay Duterte.
Sa pahayag ng Presidente sa pamamagitan ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza, nakasaad ang ganito:
“Let me now announce that I am hereby ordering for the immediate lifting of the unilateral ceasefire that I ordered last July 25 against the communist rebels.
“Correspondingly, I am ordering the Armed Forces (AFP) of the Philippines and the Philippine National Police (PNP) to also withdraw the operational guidelines they issued in pursuance to that ceasefire declaration.
“I am ordering all security forces to be on high alert and continue to discharge their normal functions and mandate to neutralize all threats to national security, protect the citizenry, enforce the laws and maintain peace in the land.”
Hanggang sa isinusulat ito kagabi ay wala pang pahayag ang kampo ng mga rebeldeng komunista kaugnay sa pagbawi ni Pangulong Duterte sa unilateral ceasefire nito na kanyang dineklara sa kauna-unahang SONA sa Kongreso noong Hulyo 25, 2016.