Positibo na rin si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Felimon Santos Jr. sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos kumpirmahin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kahapon.

Base sa Viber Group chat ng Defense Press Corps, sinabi ni Lorenzana na kaninang umaga ay ipinaalam sa kanya ni Santos na positibo ito sa COVID-19 base na resultang nakuha nito kahapon.

Dahil dito, epektibo ngayong araw ay nag- self quarantine na si Lorenzana dahil nakasama nito si Santos ng dalawang okasyon, ang pag turn-over ng medical supplies nitong nakaraang Linggo, Marso 21 at sa Marso 22 naman sa General Headquarters sa Heroes Hall sa Malacanyang.

Sa ngayon ay wala pa namang sintomas na nararamdaman si Lorenzana pero kailangan umanong sumunod sa protocol at mag0 self quarantine ng 14 na araw.

Samantala ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief Capt. Jonathan Zata, asymptomatic o walang bakas ng sintomas ng sakit heneral.

Sa ngayon ay mahigpit na binabantayan ng Military Physicians si Santos mula sa AFP Medical Center o V Luna Hospital at nasa ligtas namang kalagayan.

Sinasabing nakuha ni Santos ang naturang virus mula sa isa pang Senior Officer ng AFP na nagmula sa Middle East matapos ang donning of ranks nito sa AFPCOC o Commissioned Officers Club sa Kampo Aguinaldo.

Dahil dito, pinapayuhan ang lahat ng mga nakasalamuha ni Santos mula Marso 13 hanggang 27 na sumailalim sa Self Quarantine habang pinapayuhang magpatingin sa doktor ang mga nakausap ng AFP Chief mula Marso 9 hanggang 12.

Samantala, nagpatupad na rin ng total lockdown sa buong Kampo Aguinaldo upang isailalim sa disinfection ang lahat ng tanggapan sa loob nito.