AFP: Jolo cathedral bombing kagagawan ng ASG

Naniniwala ang mili­tary na Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng magkasunod na pambobomba sa isang simbahan sa Jolo, Sulu kung saan 20 katao ang nasawi at higit 80 iba pa ang nasugatan.

Ayon kay Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, lumalabas sa inisyal na pag-iimbestiga na ang Ajang-Ajang group ng ASG ang may kagagawan ng pagpapasabog.

Ganito rin ang ipinahayag ni Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, commander ng Joint Task Force Sulu, sa panayam ng ANC kahapon.

Sabi ni Pabayo, bago pa man naganap ang magkasunod na pagsa­bog sa isang simba­han sa Jolo kahapon ay nakatanggap na sila ng mga impormasyon tungkol sa planong pambobomba ng ASG sa mga matataong lugar.

Ayon kay Pabayo, may kasamang foreign terrorist ang ASG sa pagpaplano ng bomb attack sa mga matataong lugar.

Sa naganap na pambobomba sa loob at labas ng Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa Jolo ay nasa 20 katao ang iniulat na nasawi. Lima sa mga namatay ay sundalo at 15 ang sibil­yan.

Higit 80 ang sugatan kabilang dito ay 14 na sundalo, dalawang pulis at 65 sibilyan.

Samantala, kinondena ng Catholic Bishops’ Conference of the Phi­lippines (CBCP) ang twin bombing sa cathed­ral at nagpaabot din ng pakikiramay sa pamil­ya ng mga biktima.

Kasabay nito, hiniling din ni CBCP President Archbishop Romulo Valles sa mga Kristiyano na makiisa sa mamamayan ng Minda­nao para ipagdasal na mamayani ang kapa­yapaan sa naturang rehiyon.

Ipinahayag naman kahapon ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Hadji Murad Ebrahim na nagsasagawa na rin sila ng sariling imbestigasyon sa magkasunod na pambobom­ba sa Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa Jolo.