Umapela ang militar sa publiko na iwasang mag-post sa social media ng mga larawan at video ng kinalalagyan ng mga sundalo sa Marawi City.

“Gusto po nating umapela sa mga residente na sana po ay iwasan natin na magpahayag ng impormasyon sa kinalalagyan ng mga sundalo, lalo na ang pagpo-post sa social media,” pakiusap ni Col. Edgard Arevalo, chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs office.

“Ang mga lugar na ‘yan ay pamilyar sa karamihan ng kanilang mga supporters at sympathizers. Makaka-compromise o makapipigil din po ‘yan sa mabilis ­sana nating operasyon,” dagdag ni Arevalo.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga miyembro ng media na nag-uulat ng mga kaganapan sa Marawi na limitahan ang paggamit ng mga video na maaaring maglantad ng posisyon ng mga sundalo.

“‘Yung ibang video footage natin nakakarating din po ang impormasyon na ‘yan sa ating mga kalaban sa pamamagitan ng mga supporters at sympathizers nila na nanonood sa telebisyon,” sabi ni Arevalo.

Binalaan din ng militar ang mga sibilyan na hindi lumikas mula sa Marawi na huwag kanlungin at ­itago ang mga terorista.

Ayon kay Arevalo, pinaigting din ang pag-iinspeksyon sa mga checkpoints upang siguraduhin na hindi makakapagpanggap ang mga terorista bilang mga sibilyan na lumilikas mula sa Marawi.

2 Responses

  1. bakit pinagBabawal kasi PEKE naman yan mga TERORISTA nyo!!! para hindi maBUKING!!!! sus!! yun ZAMBOANGA SIEGE noon hindi naman pinagBawal ang pagkuha ng LIVE VIDEO..eh! napakarami nun..HUNGREDs na MNLF,,tapos iyan APATNAPU lang na PEKEng TERORISTA …ipagBabawal nyo???Anyare!!!tapos MARTIAL LAW agad-agad???? libo-libo ang MILITARY at PULIS may KANYON pa! may ATTACK HELICOPTER pa! laban sa APATNAPU hahahaha,,MARTIAL LAW agad sa buong MINDANAO…kahit sa pelikula imposibleng mangyare yan…magISIP naman kahit kaunti…