AFP, PNP at NPA sa Surigao sumiklab

Patay ang isang kasapi ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ng pwersa ng AFP at PNP sa Malimono, Surigao del Norte habang nagsasagawa ng extortion activities kahapon.

Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at NPA matapos tumugon ang mga tauhan ng 30th Infantry Battalion ng Philippine Army Infantry kasama ang hanay ng PNP sa sumbong ng ilang residente na may mga armadong lalaking nangingikil sa kanila.

Narekober ng militar mula sa napatay na NPA ang isang AK-47 rifle, pagkain, 2 improvised explosive device, mga bala at magazine ng baril.

Ito ang unang insidenteng naitala na bakbakan ng NPA at tropa ng pamahalaan matapos na bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang idineklarang unilateral ceasefire sa mga rebelde.