AFP, PNP kasado sa `martial law’ lockdown

Kasado na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police ( PNP) sa pagpapatupad ng `martial law’-like lockdown, ayon sa kumalat mensahe mula sa sandatahang lakas kahapon.

Sa ibinabang order, inatasan na ang lahat ng mga unit commander ng Philippine Air Force (PAF) na maghanda bunsod ng pinakahuling pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng iutos niya ang mas mahigpit na enhanced community quarantine dahil sa maraming lumalabag sa nasabing protocol na bahagi ng Luzon-wide lockdown.

“In connection with the reference, request advise all personnel to prepare for strict implementation of extensive enhanced community quarantine where the AFP will be the over-all in-charge along roads and highways,” ayon sa kumalat na order.

Nakarating sa kaalaman ng Pangulo ang nangyaring traffic sa EDSA at ang pagdagsa ng mga tao sa palengke na hindi sumusunod na social distancing.

“I’m just asking for your disiplina. Kasi pag ayaw ninyo, ayaw ninyong maniwala, magtake-over ang military pati ang pulis. I’m ordering them now to be ready. Sila na. Parang martial law na rin. Mamili kayo,” sabi ng Pangulo sa kanyang televised address noong Huwebes.

“’Di tayo kaibigan, di tayo kapartido, ayaw niyo sa akin edi OK lang. Pero ngayon, ano mang partido mo, o ano mang kulay mo, sumunod ka kasi pag hindi ang kaharap mo sunod ang militar pati ang pulis,”sabi ng Pangulo.

Nauna nang inamin ng Malacanang na ikinukunsidera nila ang `total lockdown’ para mabigyan ng leksyon ang mga patuloy na lumalabag sa ECQ.

Inatasan ang lahat ng AFP personnel na mahigpit na ipatupad ang extensive ECQ kung saan militar na ang hahawak at magmamando sa mga lansangan at highway .

Nakatakda ding makipag-ugnauyan ang sandatahan sa kanilang counterpart sa PNP para sa briefing kaugnay ng bagong sistema.

Nauna nang sinabi ni Lt . Gen. Guillermo Eleazar noong Biyernes na handa na ang militar at pulisya sa mala-martial law na ECQ.

Ayon kay Eleazar, pinuno ng Joint Task Force (JTF) Covid (Coronavirus disease) Shield, maraming contingency plan na ipapatupad sa bawat quarantine level dahil marami pa rin ang hindi sumusunod sa ECQ.

Bahagi ng JTF Covid Shield ang PNP , AFP, Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire and Protection (BFP).

Agad namang umani ng samut-saring komento sa social media ang sinasabing ‘martial law-type role’ ng AFP at PNP.

Komento ni Yikes sa social media: “May malalagot sa PAF kasi na-release na ito sa social media. Also, what’s up with the normalization of the words, “Martial Law-type role of AFP/PNP.”

Ayon naman kay kalisthescribe: “This is just telling us that even in the military, there may be dissenters; iwritethesongs2019–Its an open secret i guess.. the president announced it himself.. i guess ecq would be extended.”

Sagot naman ni ttjjdd-“Gradually declaring martial law. It has been denounced globally that governments are taking advantage of the situation to declare authoritarian state.”

Habang reaksiyon naman ni penpendisarapan-“This should prove that whenever Duterte says something about killing people, those are actual orders to the military and police force to pursue and murder civilians.” (Dolly B. Cabreza)