CLEVELAND — Pinunit ng ngiti ang labi ni Kris Bryant bago pa niya binitawan ang bola. At sa unang pukol niya sa first para sa final out, ang nakakalaglag-balikat na paghihintay ay natapos.
Nawala na ang sumpa.
Sa libu-libong fans na isa o dalawang henerasyon naghintay, dumating ang araw para paliparin ang W: Your Chicago Cubs are World Series Champions banner.
Tinapos ang mahigit isandaang taong kabiguan, iniuwi ng Cubs ang una nilang title sapul noong 1908, naisahan ang Cleveland Indians 8-7 sa 10 innings ng Game 7 thriller nitong Huwebes.
Binuno pa nila ang extra-inning rain delay para tapusin ang tagtuyot.
“It happened. It happened. Chicago, it happened,” sigaw ni first baseman Anthony Rizzo nang maisupot ng kanyang glove ang bola para sa final out. “We did it. We’re world champions.”
Sa buong laro, sa gitna ng ulan ay walang tigil sa kahihiyaw ng “Go, Cubs, Go!” ang blue-clad fans na dumayo pa mula Wrigley Field para punuin ang buong lower deck ng Chicago dugout sa Progressive Field. Winagayway nila ang white flags na may malaking “W” na kulay asul. Ito ang gabi na hinintay pero hindi nakita ng kanilang ninuno.
Muntik pang makawala muli sa Cubs nang mabitawan ni All-Star closer Aroldis Chapman ang 6-3 lead na may two outs sa eighth nang pumalo ng tying two-run homer si Rajai Davis.
Pero nakabalik ang Cubs matapos ang 17-minute rain delay bago ang bukana ng 10th.
Kumonekta ng RBI double si Ben Zobrist at naka-single ng run si Miguel Montero para sa 8-6. Nag-deliver si Davis ng RBI single habang may two outs sa bottom half, bago isinara ni Mike Montgomery ng 12:47 a.m.
At nag-party ang Cubs, ang buong Chicago, tulad noong 1908 nang huli silang manalo sa World Series kontra Detroit Tigers.