Aga ‘di sisipot sa Star Awards

ANG mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzales ang special guest sa opening ng bagong gadgets store na Xiaomi Store sa Trinoma kahapon ng umaga.

Nandun din ang concert director na Rowell Santiago dahil close friend pala nila ang may-ari ng naturang store.

Lalo pang gumanda si Charlene na sandali naming nakatsikahan kahapon.

Inamin ng beauty queen/actress na na-miss na raw niya ang showbiz at hinahanap-hanap na rin niyang humarap sa kamera.

“Oo naman!” mabilis na sagot sa amin ni Charlene nang tinanong nga namin kung na-miss ba nito ang showbiz.

“Kasi hindi naman talaga mawawala sa puso ko ang show business even before pa. Ang show business, nandiyan talaga sa dugo ko,” dagdag niyang pahayag.

Okay naman daw kay Aga at napag-usapan na nila ito na kung merong magandang offer baka tatanggapin daw niya.

“If there’s something na talagang I’d like to do or makakasama… ‘yung I’d like to work with, ba’t naman hindi?” pahayag ni Charlene nang tinanong naming kung ready na ba siyang magbalik-showbiz.

Kung siya raw ang papipiliin, mas type daw niya sana magbalik muna sa hosting, at kung talagang maganda raw ang project, puwede siyang magbalik-acting.

Samantala nanghinayang naman si Aga Muhlach na hindi siya makakarating sa Star Awards for Movies na gaganapin sa Newport Performing Arts ng Resorts World Manila mamayang gabi.

May event daw siya sa Jollibee at kailangan din daw niyang dumalo sa premiere night ng restored film niyang ‘May Minamahal’.

Nominated si Aga bilang Best Actor sa pelikulang ‘Seven Sundays’, na kung saan mahigpit niyang makakatunggali si Dingdong Dantes na co-star niya sa naturang pelikula.

***

AS of this writing, sa pagkakaalam ko nagbobotohan pa ang mga miyembro ng PMPC para sa kanilang 34th Star Awards for Movies.

Nakitsismis lang kami sa ilang sources, mahigpit daw na naglalaban sa Best Actress si Iza Calzado mula sa pelikulang ‘Bliss’, at ang bida ng ‘Ang Larawan’ na si Joanna Ampil. Pero may naririnig din kaming lu­malaban din daw si Maja Salvador ng pelikulang ‘I’m Drunk, I Love You’.

Sa Best Actor category naman ay matunog daw si Dingdong Dantes. Pero malay natin at baka may mga mababago pa. Kaya makikibalita na lang kami sa awarding nila mamayang gabi.

Ang isa sa highlight ng awards night ay ang tribute para kay Direk Maryo J. delos Reyes na pangu­ngunahan nina Judy Ann Santos at Iza Calzado.

Sina Judy Ann at Iza rin ang ilan sa mga hosts kasama ang iba pang Kapamilya stars na sina Kim Chiu, Xian Lim, Enchong Dee, at Julia Barretto.

***

Sikat na actor mahirap katrabaho

HINDI pa rin pala bago itong drama ng kilalang aktor na isa sa mga bida sa isang seryeng kasisimula lang.

Ang buong akala ng production staff, nagbago na ito dahil siyempre nag-mature na pero ganun pa rin pala.

Punong-puno raw ng hanash itong si aktor, kaya ang hirap pa rin daw makatrabaho.

Alas-12:00 na nga raw ang cut-off nito sa taping, pero minsan ay hindi na raw nasusunod dahil alas-11:00 pa lang, nagliligpit na raw ng gamit ang mga alalay niya dahil gusto na nitong umuwi.

May mga pagkakataon daw talagang may natitira pang eksena, hindi na nakukunan dahil gusto na niyang umuwi. Wala na raw silang magawa kung gusto nang ipa-pack up ni aktor ang sarili.

Mabuti pa raw ang bidang aktres ng seryeng ito, na kahit hirap na hirap sa role na ginagampanan, walang naririnig na reklamo.

May cut-off din daw itong alas-dos ng madaling-araw, pero minsan ay lumalagpas at ginagawa pa rin niya ito na walang karekla-reklamo.

Hindi na rin naman daw nanibago ang ilang production staff sa kadramahan ng kilalang aktor dahil noon pa man ay ganun na raw ang attitude, wala pa ring nabago.