All is not well sa kastilyong buhangin ni Queen Bayot Vice Ganda. Emergency at panic mode na nga ba ang lahat dahil ang pangmalakasang public perception sa kasalukuyan, ang Aga Muhlach starrer “Miracle In Cell No.7” na ang naghaharing uri sa MMFF takilya?

Sa mga post sa social media, sangrekwa ang mga sinehan na naidagdag sa “Miracle” at in unison ang mga nakapanood na sakdal ganda ang pelikula. Pusong-puso at kahit pa nga ngangalngal ka dahil dito, ang bitbit mo sa iyong kaibuturan pag-uwi, ang katotohanan na walang kapantay ang pagmamahal na namamayani sa pamilya.

Ang dami ring pangmalakasang box-office figures from this and that cinema houses, na kahit pa nga “unofficial,” pinagsisigawan talaga ang siksik, liglig at umaapaw na tagumpay ng pelikula nina Muhlach at Xia Vigor.

Kaya nga kung totoong kinakabahan na ang nagmamagandang salat naman talaga sa tunay na ganda, kasi ang law of diminishing returns ay nararamdaman na niya, sa true lang tayo, tama lang naman na maramdaman niya ito.

Malaking gising na sa katotohanan Jose Marie ang pangyayaring ito. Hindi pala ang tulad nina Bossing Vic Sotto at Coco Martin ang magpapadapa sa baklang ang pakiwari ay mas matayog pa siya sa toreng Garing.

Isang tunay na entertainment icon pala ang grigripo sa kanya, ang nag-iisang Aga Muhlach. Ang paggripo ni Kuya Morning kay Viceral, malakas ang tapon, rumaragasa dahil hindi lang malakas na bulong-bulungan o social media postings ang pinanggagalingan, damang-dama, kitang-kita, tagumpay na hindi puwedeng magdabog ang bangs.

Finally, Vice eats his humble pie at ang nagluto pa nito eh si Aga. Masarap ba ang mainit-init pang Muhlach pie Queen Bayot?

Sa ‘di maipaliwanag na dahilan, tila mas marami ang nagbubunyi, galak na galak at nagtatatalon sa diumanong “pagkatalo” ni Jose Marie Viceral sa festival na ilang taong siya rin naman talaga at mga producer niya ang naghahagalpakan papunta sa mga bangko.

Ang kanyang madlang pipol at Little Ponies, tinanggal na ba nila ang kanilang mascara at helmet at ayaw na sa bagong-lumang ilang taon na ring inilalako ni Ganda sa kanila? Sawa na nga ba sila sa junk food na nakakabusog nga pero salat sa sustansiya?

Kay Aga Muhlach at sa buong team ng “Miracle In Cell No. 7”, mabuhay kayo. Salamat at ginising niyo sa kanyang ilusyon ang pinakamalaking ilusyanada of them all.

Siyempre, sa angas at hilatsa ni Jose Marie Viceral, hindi iyan aamin sa kanyang pagkalugami. Hayaan na natin siyang manalig sa kanyang mga pinaniniwalaan. Saka, may Ion Perez naman na nagmamahal sa kanya, right?

Abante TONITE nominado!

Hep, hep, hooray! Kay gandang balita na malaman na ang Abante TONITE, ang aming patnugot sa entertainment section Roldan Castro at ang inyong diva that you love, ay nominado sa 4th GEMS Hiyas ng Sining Awards sa kategoryang Larangan ng Panulat.

Ang aming tatlong nominasyon, Best Newspaper Tabloid, Best Newspaper Editor Entertainment si Ginoong Castro at ang inyong lingkod Best Male Newspaper Columnist – Entertainment/Opinion. (Si ‘Nay Cristy Fermin nominado ring Best Female Newspaper Columnist Entertainment).

Makikilala ang mga magsisipagwagi sa Enero 7, 2020 at ang Gabi ng Parangal ay mangyayari sa Pebrero 13, 2020 na gaganapin sa Laguna Bel Air Science School.

Congrats sa PRAGE Management Services at sa buong Abante TONITE.