Marami na ang nakaabang sa Metro Manila Film Festival (MMFF) para mapanood ang “Miracle in Cell No. 7”, ang official entry ng Viva Films. Ito ang unang pelikula ni Aga Muhlach na kabilang sa MMFF matapos ang dalawampu’t anim na taon. Ang huli ay ang “May Minamahal” noong 1993.

Ang matinding suporta ay hindi lamang mula sa mga Pinoy. Ang pinagmamalaki ng Korea na si Lee Hwan-kyung, ang direktor ng orihinal na “Miracle in Cell No. 7”, at si Kim Min-ki, ang producer ng nasabing record-breaking movie, ay parehong natutuwa na nagkaroon ng Pinoy version ang kanilang pelikula.

Sa katunayan, dumating sila dito sa Pilipinas nu’ng premiere night upang ipakita ang kanilang suporta sa pelikulang ito na nasa ilalim ng direksyon ni Nuel C. Naval.

Maganda ang feedback nila sa pelikula. Mas napalawak daw ang katatawang mga eksena. Gusto rin nila ang pagkakagawa ng ending ng Pinoy version.

Humanga rin sila kay Aga dahil hinayaan daw niya na mag-shine din ang kanyang supporting. Talagang hinayaan daw ng aktor na magkaroon ng highlight sina JC Santos, Joel Torre, Bela Padilla, John Arcilla atbp.

Bukod sa kanilang paggawa ng “highest grossing Korean film” noong 2013, bakit nga ba tinitingala sina Lee Hwan-kyung at Kim Min-ki sa larangan ng pelikula?

Si direk Lee Hwan-kyung ay isa ring manunulat ng pelikula na nagtapos sa Seoul Institute of the Arts, isang premyadong paaralan sa South Korea. Dalawang taon pagkatapos ng kanyang unang pelikula (“He Was Cool”), siya ay pinarangalan bilang Best New Director para sa pelikulang “Lump Sugar” sa 2006 Chunsa Film Art Awards. Noong 2013, napanalunan niya ang Best Screenplay sa Grand Bell Awards para sa “Miracle in Cell No. 7”. Nagtamo rin siya ng nominasyon bilang Best Director para sa pelikulang ito.

Sinasabing nabuo niya ang “Miracle in Cell No. 7” sa limitadong budget, gayunpaman ito ay isa sa mga pelikulang kumita ng malaki sa takilya, na may 12.32 million viewers sa South Korea pa lamang. Sa ngayon, ginagawa ni Lee Hwan-kyung ang pelikulang “Next Door Neighbor”.

Si Kim Min-ki ay nagtamo ng Master’s Degree in Film Planning sa France. Matapos ang ilang taon na paggawa ng commercial films, itinatag niya ang FineWorks noong 2004. Ang entertainment company na ito ay dalubhasa sa paggawa ng feature films at television series, na karamihan ay horror, family and romantic-comedy genre. Noong 2011, siya ang nag-produce ng “The Champ”, ang ikatlong pelikula ni Lee Hwan-kyung. Ito ang kanilang unang kolaborasyon. Matapos ang dalawang taon, gumawa nga sila ng kasaysayan dahil sa lubos na tagumpay ng “Miracle in Cell No. 7” na pinagbidahan ni Ryu Seung-ryong.

Samantala, nagpahatid rin ng suporta si Ryu Seung-ryong sa lahat ng bumubuo ng “Miracle in Cell No. 7” ng Pilipinas. Sa video message na mapapanood sa official Facebook page ng Viva Films, sinabi ng aktor, “I will be cheering for it from afar, from Korea”. Dagdag pa niya, “We hope this movie will bring much comfort and laughter to the Philippine viewers.”

Ikinararangal ng Viva Films na makasama si direk Lee Hwan-kyung at producer Kim Min-ki bilang panauhin ngayong nasa huling bahagi na ng promo ng pelikula, lalo na sa Disyembre 16 hanggang 18.

‘Wag palalampasin ang “Miracle in Cell No. 7” sa mga sinehan sa buong bansa simula December 25, 2019. (Roldan Castro)