Aganon itinakas ang Foton kontra Cocolife

Napalaban nang todo ang Foton kaya naman pahirapan nilang hinataw ang 25-23, 26-28, 25-21, 25-19 panalo laban sa Cocolife kahapon sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa FilOil Flying V Centre.

Muling ipinaramdam ni veteran Mina Aganon ang kanyang lakas upang akbayan ang Tornadoes sa panalo at upuan ang solo second spot tangan ang 5-1 record.

Isa sa magagandang mukha sa PSL, nilista ni Aganon ang 18 kills, 22 digs at eight excellent receptions sa event na suportado ng Isuzu, Senoh, Sogo, Mikasa, Asics, Mueller, UCPB Gen at Bizooku kasama ang Genius Sports bilang technical provider.

Inamin ni Foton coach Aaron Valdez na nagtrabaho ang kanyang mga bataan matapos nilang yumuko sa F2 Logistics.

“I think our loss to F2 Logistics made us better as a team,” saad ni Velez. “Despite the loss, the team still radiated positive energy and I did not look at it (loss) as a setback.”

Ayon pa kay Velez na wake up call ang kanilang talo sa Cargo Movers dahil nalaman nila ang kanilang kahinaan.

“It served as a wake up call for the team for us to improve on our weaknesses,” ani Velez. “I’m happy that my players responded although they were hesitant at first, it’s normal, but I’m really glad that they exerted effort rather than nothing.”

Bumira si Carla Sandoval ng 18 puntos para sa Foton habang ang playmaker na si Gyzelle Sy ay tumikada ng 24 excellent.

Tumarak si Filipino-American spiker Kalei Mau ng 21 puntos, 16 digs at anim na excellent receptions para sa Asset Managers na may 1-5 card.